Labis na ikinatuwa ng mga senior citizen ang libreng serbisyong hatid ng malasakit service caravan sa Lungsod Agham ng Muñoz nitong Agosto 30.  

Nagkaroon ng libreng medical check-up upang masuri ang kalusugan ng mga mamamayan. Nagpamigay din ng mga libreng gamot at nagsagawa ng flu vaccine para sa mga senior citizen.

Naiyak naman si Lusita Matias, isa sa nabigyan ng libreng gamot, dahil sa sobrang kagalakan na dulot ng mga serbisyong natanggap. Aniya, kailangan niya ng mga gamot para sa sakit niya sa ubo sapgkat minsan ay hindi na siya nakakabili. Kaya naman labis ang pasasalamat ng mga matatanda sa tulong na kanilang natanggap.

Ayon naman kay Dr. Benjie Lopez ng Provincial Health Office, isa sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang health needs ng mga senior citizen.

Dagdag pa niya, mayroon pang ibang libreng serbisyong ibinibigay ang pamahalaang panlalawigan sa mga senior citizen kagaya ng optical consultation, check-up ng blood chemistry, ECG at iba pa.

Ang pag-iikot ng malasakit service caravan sa iba’t ibang parte ng Nueva Ecija ay programa ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina Umali.  Ito ay bahagi ng selebrasyon ng ika- isang daan at dalawampu’t isang anibersaryo ng unang sigaw ng Nueva Ecija.

Masayang kinamayan ni Gov. Czarina Umali ang mga senior citizen na nakapila sa medical check-up.

Kabilang din sa mga libreng serbisyong hatid nito ay ang appliances repair, manicure at pedicure, masahe, gupit ng buhok, flouride varnish at dental services. Mayroon ring job fair at seminar tungkol sa paggawa ng sabon at tinapay.

Patuloy namang iikot ang malasakit service caravan upang paglingkuran ang mga Novo Ecijano. Ngayong araw ay naghahatid ito ng serbisyo sa Pag-asa gym ng bayan ng Rizal. Sa ika-1 naman ng Setyembre, ay magtutungo ito sa General Mamerto Natividad Municipal Compound. At muli itong maaasahan sa ika-2 ng Setyembre sa Freedom Park, Cabanatuan City. –Ulat ni Irish Pangilinan