Ginanap ang Sisterhood Ceremony and Ceremonial Turn Over of Solar Lamps and Solar Street lights  sa Burgos Elementary School, sa Bayan ng Carranglan noong September 6, 2018.

Sa aming panayam kay Ingill Na, Presidente ng  All-Lights Village Project, sinabi nito na kaya sila nandito sa bansa ay upang makatulong sa mga malalayo at mahihirap na lugar. 

Ibinahagi din nito ang kanilang layunin na “One Family, under God” o tayo ay iisang Pamilya sa iisang Diyos.

Hinikayat naman nito ang mga mag aaral at mamayan  na magtayo ng isang  panibagong komunidad na puno ng dedikasyon at pagmamahal upang mas maging matatag ang pundasyon nito.

Ayon naman kay Lorna Mae Vero, Provincial Tourism Officer, ang pagkakakaroon ng relasyon o kapatiran sa ibang bansa ay  bahagi na rin ng turismong sa isang lalawigan.

Sinabi pa nito na maituturing aniyang  isa itong pagbabalik pagmamahal o utang na loob ng mga banyagang Koreano sa ating mga ninuno na tumulong sa pagpapadala ng mga Pilipinong sundalo noong panahon ng digmaan sa kanilang bansa. 

Malaking tulong naman kina Pilita Tangilig at Tessie Alberto ang mga biyayang natanggap ng kanilang mga anak at apo mula sa mga bisitang banyaga dahil anila wala silang pambili ng mga gamit ng mga bata dahil nakikitanim lang anila sila para may maibigay na baon sa kanilang estudyante. Nabanggit din nila ang madalas na  kawalan ng kuryente sa kanilang lugar kaya hirap mag-aral ang mga bata sa gabi.

Malaking ‘Blessing’ aniyang maituturing ang mga ganitong proyekto ayon kay  Mayor Mary Abad,  dahil aniya kahit malayo ang kaniyang nasasakupan  ay patuloy pa rin ang mga suportang natatanggap.

Ang Global Peace Foundation ay naitayo noong 2005 na hanggang ngayon ay  patuloy na tumutulong at umaalalay sa mga malalayo at mahihirap na komunidad upang umunlad.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.