Titiyakin muna ng Government of the Philippines peace panel ang pagpapalaya sa mga nakakulong na National Democratic Front of the Philippines consultants na lalahok sa formal peace talk na gaganapin sa August 20 hanggang 27, 2016 sa Oslo, Norway.
Ito ang inihayag ni chief peace negotiator and DOLE Secretary Silvestre Bello III sa isang panayam matapos ipagpaliban ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan na nakatakda noong July 15, 2016.
Ayon kay Roman Polintan, tagapangulo ng BAYAN- Gitnang Luzon, mahalaga na mapalaya muna ang mga bilanggong pulitikal bago ipagpatuloy ang peace talk.
Sa mahigit 580 political detainees, dalawampo sa mga ito ay NDFP consultant, habang dalawa naman sa mga ito ay mga Novo Ecijano na sina Leopoldo Caloza, at Emeterio Antalan na kapwa nakapiit sa New Bilibid Prison-Maximum Security Compound sa Muntinlupa City.

Photo courtesy of KARAPATAN ALLIANCE for the ADVANCEMENT of PEOPLE’S RIGHTS.
Inaresto ng Nueva Ecija Philippine National Police Provincial Special Operations Group si Leoplodo Caloza kasama ng kanyang asawang si Juliet noong October 2006 sa Baguio City, Benguet. Si Caloza ay lumaki sa pamilya ng namumuwisan sa bukid sa barangay Villa Marina, San Jose City Nueva Ecija. Naging lider ng mga magsasaka sa kanilang komunidad, at lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa.

Photo courtesy of KARAPATAN ALLIANCE for the ADVANCEMENT of PEOPLE’S RIGHTS
Habang si Emeterio Antalan ay taga Macapabilag, Guimba, may asawa, at apat na anak. Mula sa pamilya ng magsasaka na paulit-ulit na nabiktima ng pang-aagaw ng lupa. Sinampahan umano ng dalawampo’t isang gawa-gawang kaso na lahat ay na-dismissed ngunit nasentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa kasong pagpatay noong 1994, at attempted murder noong 2005.
Sina Caloza, at Antalan ay sinasabing dapat na protektado ng JASIG o Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees, upang magampanan sana nila ang kanilang tungkulin bilang peace consultants. At ang pag-aresto, lalo na ang paghatol sa kanila ay paglabag sa nasabing kasunduan na parehong pinirmahan ng gobyerno ng Pilipinas at NDFP.- ulat ni Clariza de Guzman