Dininig sa Ika-Tatlumpu’t Apat na Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang pagpasa ng isang resolusyon para sa pagpapatibay ng panibagong kontrata ni Alvin Vergara bilang Consultant ng Socio Economic Development.

Sa mosyon ni Kon. Bong Liwag, Chairman ng Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability, hiniling nito na mapagtibay na ang Renewal of Contract of Service ni Vergara mula July 1 – Dec. 31, 2017 na may sweldong P35,000 kada buwan.

Ngunit, kinwestiyon ito ni Vice Mayor Anthony Umali.

Ayon sa Bise Alkalde, dapat munang ilipat sa pag-aaral ng Komite ni Kon. Liwag ang naturang panukala upang maimbitahan at makausap ng personal si Vergara ukol sa mga nagampanan nitong trabaho sa unang kontrata.

Dagdag pa ni VM Umali, kailangang dumaan muna sa tamang proseso ang pagpapatibay ng panukala.

Ang katwiran ni Kon. Liwag, “sensitibo” ang posisyon na ginagampanan ni Vergara sa pamahalaan. Kaya’t hindi maidedetalye ang kaniyang mga nagampanan na trabaho sa nakaraang anim na buwan.

Matapos ang ilang recess ay nakumbinsi na ng iba pang miyembro ng sanggunian si Kon. Liwag na i-refer muna ang naturang panukala.

Bukod sa kontrata ni Vergara, ay nakalinya rin na magkaroon ng committee hearing ang Good Government, Public Ethics and Accountability sa Contract of Service ng 27 Consultant at 45 Medical Consultant.-Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/3AArnRUC95g