Nagbunyi ang CRT Blue Fox sa kanilang kauna-unahang pagkakataong paghahari para sa Women’s Volleyball matapos talunin ang Wesleyan Riders noong November 5.

CRT BLUE FOX WOMEN’S VOLLEYBALL, NAGBIGAY NG KARANGALAN SA KANILANG ESKWELAHAN SA LOOB NG 26 NA TAON
Mahigpitan ang laban ng dalawang koponan sa Game 3. Simula umpisa hanggang sa huli, gigil ang mga manlalaro. Palitan lamang ang pagpuntos ng dalawang magkatunggali.
Ang mga manonood tuloy, hindi magkamayaw sa paghiyaw para suportahan ang kani-kanilang koponan.
Tulad ng nangyari sa Game 2 ng Finals, umabot pa rin ito ng limang set.
Dahil sa dami ng nagawang errors ng Riders, sinamantala ito ng Blue Fox upang tuluyang umungos sa ika-apat na set.
Pagsapit ng Set 5, hindi na pinaubra pa ng Blue Fox ang Riders.
Dahil sa service error ni Santiago ng Riders, lalong tumaas ang tensyon sa loob ng gymnasium ng Araullo. At dahil sa pag spike ni Bautista, nakamit ng Blue Fox ang kampeonato.
Bagaman wala ngayong taon na Cheerdance Competition kung saan sila ang back to back champion ay napalitan naman ito ng isang tagumpay na pinakahihintay nilang makamit sa loob ng 26 na taong pagkakatatag ng kanilang eskwelahan.
Hinirang naman bilang Most Valuable Player ng NECSL Women’s Volleyball si Geraldine Bautista.
Samantala, emosyonal ang mga manlalaro ng Riders sa kanilang pagkatalo.
Matatandaan noong nakaraang taon, bigo rin ang Wesleyan Riders Women’s Volleyball na masungkit ang kampeonato.
Gayunpaman, napabilang pa rin sa Mythical 6 sina Sanchez at Salas ng Riders kasama sina Cachero ng CRT, Santos ng CIC at Espenido ng La Fortuna.
Nasungkit naman ng CIC Kings ang ikatlong pwesto at ika-apat na pwesto ang La Fortuna Spartans. – Ulat ni Shane Tolentino