Inilunsad na sa bayan ng Gabaldon ang proyektong Giant Bamboo Fuel Wood Plantation ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Cherry Umali. Ipinamahagi ng Environment and Natural Resources Office o ENRO ang tig-dadalawang daang bamboo propagules sa labing pitong upland farmers ng Gabaldon na mayroong Certificate of Land Ownership Award o CLOA.

Ayon sa Environment Management Specialist II ng ENRO na si Apollo Manuel, nakasaad sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga benipisyaryo at ng pamahalaang panlalawigan na ang mga napiling magsasaka ang magtatanim at magpapalaki sa mga bamboo propagules sa kani-kanilang mga lupa.

Samantala, kapag nasa takdang laki na ay bibilin ito sa kanila ng provincial government upang gawing panggatong sa gasifier o ang makinang ginagamit pampatuyo ng palay.

Ang nasabing proyekto ay pakikiisa sa pagdiriwang ng Arbor Day o araw ng pagtatanim ng mga puno na taun-taon ay ginanap tuwing buwan ng Hulyo.

Ayon kay Erlindo Bacud, isang magsasaka sa Gabaldon, nasisira ang kanilang mga pananim kapag natatabunan ang mga ito ng kahoy at gumuhong lupa mula sa kabundukan na dulot ng mga bagyo. Kaya naman malaki ang maitutulong ng giant bamboo sa pagpigil ng pagguho ng lupa.

Bukod sa carbon-absorbing ang giant bamboo na makakabawas sa polusyon ng hangin, sinasabi ring mabilis ang muli nitong pagtubo.

Matatandaan na noong matapos manalanta ang bagyong Lando sa Nueva Ecija ay sinimulan ang pagtatanim ng Giant Bamboo sa Gabaldon sa pangunguna ni Former Governor Aurelio Umali.

Samantala, ang mga nais makiisa sa proyekto ay maaaring gumawa ng request letter at makipag-ugnayan sa tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Ang bayan ng Cuyapo at Laur ang tinitingnang posibleng susunod na paglulunsaran ng nasabing proyekto.

Nanawagan naman si Acting Mayor Jobby Emata sa mga Novo Ecijano na samantalahin ang mga ganitong klaseng programa na naglalayong mapangalagaan ang kalikasan. -Ulat ni Irish Pangilinan