Patay ang suspek sa pagdukot, paggahasa, at pagpatay sa walong taong gulang na bata matapos nitong barilin ang sarili gamit ang inagaw na baril sa pulis sa loob ng Camp Crame nitong Martes ng gabi, Hulyo 25.
Ang kinilalang suspek na si Larry Herrera alyas Boy ay isinugod sa Philippine National Police General Hospital ng bandang alas onse ng gabi ngunit idineklarang dead on arrival.
Si Herrera na isang ex-convict ay nadakip sa ikinasang operasyon ng kapulisan ng Nueva ecija at Palawan, kasama ang anti-kidnapping group sa Port of Puerto Princesa Palawan noong Sabado ng gabi, Hulyo 22.
Base sa pahayag ni S/Supt. Glen Dumlao, direktor ng PNP Anti-Kidnapping Group, inamin ng suspek ang ginawang pagdukot, paggahasa at pagpatay sa walong anyos na anak ng kanyang amo, kung saan namamasukan siya bilang karpintero. Ang batang biktima ay kinilalang si Christina Clare Mielle Medina.
Ang biktimang mula sa Barangay Maugat, San Antonio, Nueva Ecija ay napag alaman na dinukot noong Hulyo 19, matapos itong lumabas sa kanyang paaralan na San Mariano East Elementary School. Sa eksklusibomg panayam ng TV48 sa naghahatid-sundo sa bata, natuklasan na ang grade 3 student ay hinatid pa ng service nito sa paaralan noong umaga bago dukutin ang bata.
Ngunit ayon sa gurong si Gng. Victoria Dalusong hindi pumasok ang bata sa kanyang klase.
Nadiskubre mula sa mga kamag-aral ng bata na pumasok ito ng paaralan ngunit hindi ito pumasok sa klase nila at muling lumabas ng gate.
Ayon sa may-ari ng tindahang malapit sa paaralan, nakita nito na may kasama si Christina na lalaking nakabisikleta. Nang ipakita sa may ari ng tindahan ang bisikleta at litrato ng suspek na si Herrera, ay kinumpirma nito na siya nga ang nakitang kasama ng bata.
Base sa ginawang imbestigasyon ng mga pulis, dinala ng suspek ang biktima sa sementeryo ng San Isidro at doon pinagsamantalahan ang bata.
Bukod sa gamit ng bata, natagpuan din sa sementeryo ang condom na ginamit ni Herrera at resibo mula sa Waltermart. Napag-alaman din na dinala pa ni Herrera ang bata sa isang kubo sa Jaen at doon ito muling pinagsamantalahan at pinatay.

Ang bangkay ng biktima ay nakitang nakalutang sa Jaen Irrigation noong Lunes, Hulyo 24.
Samantala, napatunayang walang sala at nakauwi na nitong Hulyo 26 mula sa Camp Crame ang babaeng idinawit ng suspek sa ginawang krimen. -Ulat ni Irish Pangilinan