Nakatakdang sanayin ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA-Nueva Ecija ang humigit kumulang limang libong call center agents sa lalawigan, upang mapunan ang dami ng bilang na kakailanganin sa kasalukuyang itinatayong Business Process Outsourcing o BPO Facilities sa Lungsod ng Palayan.
Sa naganap na Provincial Technical Education Skills Development Committee o PTSDC Quarterly Meeting na dinaluhan ni Governor Cherry Umali bilang Chairman ng Komite, tinalakay ang kahandaan ng Lalawigan sa pagha-hire ng mga qualified call center agents na tutugon sa pangangailangan ng kauna-unahang Call Center Company sa probinsya.
Ayon kay Provincial Director Melanie Romero ng TESDA-Nueva Ecija, may ilan mang eskwelahan sa Lalawigan ang nag-aalok ng Call Center Training Program ay hindi pa rin sapat upang mapunan ang bilang ng empleyadong kakailanganin.
Dahil dito, inirekumenda ni Governor Cherry na magrequest ang PTSDC sa Central Office ng budget allocation for call center scholarship para makapagsanay ng humigit kumulang limang libong Novo Ecijanong nagnanais makapasok ng trabaho bilang call center agents.
Kapag naaprubahan ang request budget ng PTSDC ay maglalaan sila ng halagang limang libong piso sa bawat Novo Ecijanong nagnanais na sumailalim sa Call Center Training Program ng TESDA upang mabigyan sila ng libreng training.
Dagdag ni Romero, maliban sa ipinatatayong BPO Building na nasa Lungsod ng Palayan na inaasahang magbubukas na sa susunod na taon, ay plano din aniya ng Provincial Government na magpatayo ng isa pang BPO Building sa Lungsod ng Cabanatuan.
Ang BPO ay nakapaloob sa Business Hub na nasa Lungsod ng Palayan, na naisakatuparan sa ilalim ng Private-Public Partnership ng MTD Philippines, Provincial Government sa ilalim ng panunungkulan noon ni Gov. Aurelio Umali at Lokal na Pamahalaan ng naturang Lungsod.
Samantala, hinikayat din ni Romero ang mga Novo Ecijano na makipag-ugnayan sa kanilang Tanggapan upang matulungan silang mabigyan ng mga trainings na kanilang magagamit sa paghahanap ng trabaho. -Ulat ni Shane Tolentino