Sa pamamagitan ng paglagda nina 7th Infantry Division Commander Major General Angelito De Leon at Police 3 Regional Director Chief Superintendent Aaron Aquino sa Joint Letter Of Instruction ng Regional Joint Peace And Security Coordinating Center (RJPSCC) inaasahan na mas magiging maigting  ang pagpapatupad ng seguridad at kapayapaan lalo na sa usapin ng pagpuksa sa iligal na droga, kriminalidad at terorismo sa buong Region 3.

Sina 7th Infantry Division Commander MGen Angelito De Leon at Police 3 Regional Director Chief Superintendent Aaron Aquino, matapos lagdaan ang Joint Letter Of Instruction ng Regional Joint Peace And Security Coordinating Center (RJPSCC).

Ayon kay 7ID Commander MGen Angelito De Leon, bagama’t matagal ng nagsasanib puwersa ang mga kasundaluhan at kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan sa Rehiyon ay mas pinagtitibay ito sa pagdaan ng panahon.

Sa kabila ng nagaganap ngayon na kaguluhan sa Marawi, Mindanao, ay siniguro ng AFP at PNP na walang dapat ipangamba ang mga mamamayan dahil nanatili aniyang nakaalerto ang mga sundalo at kapulisan sa banta ng terorismo.

Tiniyak ng militar at kapulisan na ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya ay patuloy na magreresulta ng katahimikan sa Ikatlong Rehiyon.

Bunsod nito, asahan na ang kabi-kabilang check points, raids at operations sa iba’t-ibang lugar sa pitong probinsiya ng Gitnang Luzon. – Ulat ni Danira Gabriel