Pinasabog ng Militar at Kapulisan ang pitumput siyam na antigong bomba na nahukay sa construction site sa Barangay Del Pilar, bayan ng Zaragoza kung saan itatayo ang isang Evacuation Center.
Ayon kay Police Captain Rolando Rigat, Deputy Police ng Zaragoza Police Station, sabado ng umaga June 24, 2017 nang makatanggap sila ng report mula sa mga construction worker na may nahukay na tatlumput isang mga antigong bomba sa likurang bahagi ng Munisipyo ng naturang bayan kung nasaan ang construction site.

Pitumput siyam na vintage bomb ang nahukay sa isang construction site sa likurang bahagi ng Munisipyo ng Bayan ng Zaragoza, na pinasabog ng Militar at Kapulisan upang hindi na makapaminsala.
Matapos kumpirmahin ang report ay agad umano silang nakipag-ugnayan sa Provincial Head Quarters, na nakipag-coordinate naman sa EOD o Explosives Ordnance Division na nagpatuloy umano sa paghuhukay at natagpuan pa ang apat napu’t isang 81mm mortar.
Dagdag ni Rigat, base sa imbestigasyon panahon pa ng mga Amerikano ang mga bombang nadiskubreng nakabaon sa naturang lugar.
Dahil delikado nang ibyahe pa sa malayo ang mga vintage bomb ay dinala na lamang ang mga ito sa Brgy. Sto. Rosario Old at doon pinasabog.

Sa bahaging ito nahukay at nadiskubre ng mga construction worker ang mga antigong bomba na panahon pa umano ng mga Amerikano.
Kasalukuyan munang ipinatigil ang operasyon sa construction site upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayang nasa malapit at tiyakin kung may natitira pang mga bomba doon.
Sa huling tala ng Militar at Kapulisan ay may nahukay pang labing walong vintage bomb sa naturang lugar. – Ulat ni Jovelyn Astrero