Inilulunsad na sa bawat bayan sa Lalawigan ng Nueva Ecija ang United Stand Against Dangerous Drugs Project sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan at Nueva Ecija Police Provincial Office, kaalinsabay ang paghihimok na mag-organisa ng Barangay Anti-Drug Abuse Council sa bawat komunidad.

   Pansamantala mang sinuspende ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng kapulisan kaugnay sa pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa ay magpapatuloy pa rin ang laban nito sa Lalawigan sa pamamagitan ng USAD project na una muna nilang iprinesenta kay Governor Czarina Umali, na inaprobahan nito.

   Ayon kay Chief Inspector Renato Morales, ng Community Relations Process ng NEPPO, ang USAD ay isang Non Violent Approach laban sa ilegal na droga, na nangangailangan ng partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan na silang bubuo sa BADAC.

   Ang proyektong USAD ay may apat na yugto, ito ang Advocacy Awareness, Rehabilitation and Reformation, Law Enforcement at Community Empowerment.

   Nauna ng ibinaba ang USAD sa Bayan ng Cuyapo noong araw ng Martes, at kahapon ay inilunsad naman ito sa Bayan ng Rizal at Gabaldon, na dinaluhan ng mga Brgy. Officials, Local Government Units, at iba pang sektor. Dito ay ipinaliwanag sa kanila ang malaking papel na gagampanan ng bawat isa upang tuluyan ng mabura sa lipunan ang ipinagbabawal na gamot.

    Sa talaan ng Rizal Police Station simula July 1, 2016 hanggang January 25, 2017, aabot sa 1154 ang surrenderees, 26 dito ay mga pushers at 1126 ang users. Habang sa Bayan ng Gabaldon ay nasa 484 ang mga sumuko, 22 dito ay mga pushers at 462 ay mga users.

   Sa pamamagitan ng mga Bahay Pagbabago ay dalawang batch na ng mga reformist sa Bayan ng Gabaldon ang naka-graduate at ang ikatlong batch naman ay nakatakdang grumadweyt ngayong buwan, habang sa Bayan ng Rizal ay nasa 15 reformist na ang naka-graduate mula sa mga Bahay Pagbabago.

   Bilang tugon sa kampanya kontra iligal na droga ay nagcommit na umano ang labing anim na Brgy. Captains at Local Government ng Gabaldon ng kaukulang pondo para sa mga Bahay Pagbabago. –Ulat ni Jovelyn Astrero