
Lumutang ang pagkamalikhain ng mga taga Bongabon sa paggawa ng float na may tema na Sibuyas Wonderland
Nagpasiklaban sa ganda at pagkamalikhain ang mga float na lumahok sa Sibuyas Festival 2017 nitong Linggo.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng Float Parade Competition sa bayan ng Bongabon na dinaluhan ng ibat ibang pampubliko at pribadong sektor sa pangunguna ng ama ng bayan Ricardo I. Padilla at Atty. Julius Montubig, Over-all President ng nasabing kasiyahan.
Kabilang sa mga lumahok sa Float Parade Competition ay ang mga kawani ng gobyerno, DepEd Teachers, LGU, PNP, at iba pang sektor.
Nakisaya rin sina PBB Teen Christian Morones, Mr. Philippines MJ Novenario, at ang ilang cast ng Probinsyano na sina John Medina, Lester Llansang, at Jeric Raval.
Ayon kay Ramil A. Bautista, Float Parade Organizer, ang tema ngayong taon ay Sibuyas Wonderland na gawa mismo sa sibuyas, mga agricultural related, indigenous at recycled materials.

Simple Life Resort, nagwagi sa 2nd Float Parade Competition ng Sibuyas Festival
Kaya naman ang mga kalahok, ibat-ibang pakulo ang ginawa sa kani-kanilang float. Sa walong float na sumali, nangingibabaw ang gawa ng Simple Life Resort. Sinisimbolo kasi nito ang kanilang sektor at ang unti-unting pag-unlad ng bayan ng Bongabon dahil sa Sibuyas Farming.
Nag-uwi ito ng cash prize na P 20,000 pesos.
Bukod sa Simple Life Resort, wagi rin sa ikalawang pwesto ang DepEd Elementary, Municipal Cooperative para sa ikatlong pwesto, Botoda sa ika-apat na pwesto at Montage sa ikalimang pwesto na tumanggap rin ng cash prize.

Mayor Ricardo Padilla, pangarap na mas paiigtingin pa ang turismo sa bayan ng Bongabon
Lubos namang nagpasalamat si Mayor Padilla sa mga nakiisa sa kanilang pagdiriwang.
Pangarap rin ng lokal na pamahalaan sa tulong ni Armando Giron, Father of Sibuyas Festival na mas paigtingin pa ang turismo sa kanilang bayan sa pamamagitan ng Sibuyas Festival. – Ulat ni Shane Tolentino