Sa isang closed-door meeting, noong March 14, 2017, sa loob ng Session Hall ay ginanap ang pribadong pagpupulong nina Vice Mayor Anthony Umali at ilang Sangguniang Members upang tuluyan ng wakasan ang serye ng itinutulak na pag-amyenda sa Internal Rules ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan.
Ito ay dinaluhan nina Kon. Nero Mercado, Kon. Gave Calling, Kon. EJ Joson, Kon, Mario Seeping, Kon. Epifanio Posada, Kon. PB Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Emmanuel Liwag at Kon. Rosendo Del Rosario. Habang hindi naman dumalo sina Kon. Ruben Ilagan at ABC Chairman Sergio Tadeo.
Ayon kay VM Umali, kalmado ang kanilang naging pag-uusap. Kung saan, ang bawat isa ay kapwa nakapagpaliwanag ng kanilang mga saloobin ukol sa panukala.
Bilang namumuno sa Sanggunian ay pinanindigan ni VM Umali ang kaniyang desisyon na hindi ipasok sa agenda ang naturang panukala.
Payo ng Bise Alkalde, kung talagang desidido ang mga konsehal na baguhin ang alituntuning pangloob ng Sanggunian ay i-akyat nila ito sa tamang lugar.
Pahayag pa ng Bise Alkalde, kinuha na rin niya ang pagkakataon upang humingi ng paumanhin sa kaniyang mga kasama. Sabay pakiusap na bagamat may kaniya-kaniyang paniniwala at pinapanigang politika ang bawat isa ay panatilihin pa rin aniya ang kaayusan sa loob ng Sanggunian.
Sa huli, ang suhestiyon ng Bise Alkalde sa mga konsehal upang tuluyan ng ma-i-ayos ang problema ay pag-usapin sila ni Mayor Jay Vergara.–Ulat ni DANIRA GABRIEL