Bigyang lunas ang problema sa mata, ito ang pahayag ni Dra. Adora Hernal-Cruz, Chief ng San Antonio District Hospital, patukoy sa mga Novo Ecijanong may katarata at iba pang sakit sa mata.
Ayon kay Dra. Cruz, numero unong sanhi ng pagkabulag ng mata ay ang katarata, na tinututukan ng kanilang pagamutan sa pamamagitan ng Community Eye Health Program na sinuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan.

Hinikayat ni Dra. Adora Hernal-Cruz, Chief of Hospital ng San Antonio District ang mga Novo Ecijanong may katarata na magpakonsulta at magpa-opera sa kanila.
Siniguro nito na ang mga Doktor na nakatalaga sa kanilang pagamutan ay mga Board Certified Ophthalmologists na nagmula pa sa Manila.
Dagdag nito, nagsimula ang kanilang programa noong August 2014 sa pamamagitan ng mga ipinahiram na mga kagamitan ng NCSP o National Committee on Sight Preservation, taong 2015 nang humiling sila ng ayuda sa Provincial Government sa panunungkulan pa noon ni Dating Governor Aurelio Umali.
Sa pamamagitan ng ayudang ito ay napagkalooban ang San Antonio District Hospital ng mga Optical Equipment na nagagamit sa paghahatid ng serbisyo sa lahat ng mga Novo Ecijanong may problema sa mata na walang kakayanang magpagamot o magpa-opera sa mga pribadong ospital.

Ginawa ng dalawang araw ang konsultasyon sa San Antonio District Hospital upang mas matugunan ang suliranin ng mga Novo Ecijanong mayroong katarata.
Sa kanilang datos mula sa 48 na kaso ng katarata at iba pang kondisyon sa mata na kanilang natugunan noong 2015, ay tumaas ito sa 92 noong 2016 at ngayong 2017 ay nasa 30 pasyente na umano ang nagpakonsulta sa katarata.
Kung dati ay isang araw lamang ang inilalaang araw para sa konsultasyon at operasyon, ngayon ay ginawa na itong dalawang araw, tuwing araw ng martes ng hapon at miyerkules ng umaga. -Ulat ni Jovelyn Astrero