“SWELDO ITAAS, BUWIS IBABA”
Ito ang isinisigaw ng mga miyembro ng GUGMA o Gabay ng mga Unyon sa GOCCs na may Makabayang Adhikain, NAFEDA o National Federation of Employees’ Associations in the Departments and Agencies in Agriculture at ng COURAGE o Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees para sa pagpapatupad ng dagdag sahod sa lahat ng mga Kawani partikular na sa mga empleyado na nasa sektor ng Government Owned and Controlled Corporations.
Sa ginanap na 91st NFAEA National Board Conference sa National Food Authority, Regional Training Center, umaapela ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa National Minimum Wage na Php16,000 o P750 kada araw.
Ayon kay Nelson Sañada, Regional President, ARMM, simula January 2016 ay natamasa na ng mga National Government Agencies, Local Government Units, Judiciary, Legislative at iba pang Executive Branches ng Gobyerno ang wage increase sa ilalim ng Executive Order No. 201 ni Dating Pangulong Benigno Aquino III.
Habang ang mga empleyado na nasa Sektor ng GOCC tulad ng NFA, NIA, NTA at iba pa ay wala pa umanong natitikmang pagtaas ng sweldo.
Giit naman ni Engr. Charles Alingod, NFAEA National President, na dapat tutulan ang diskriminasyon at ipatupad ang pantay-pantay na sahod sa bawat empleyado.
Pagbibigay ng serbisyo at hindi pagnenegosyo, ito naman ang mariing sinabi ni Santiago Dasmariñas Jr., NAFEDA National President patungkol sa inilabas muling Executive Order No. 203 ni Pangulong Aquino.
Kaugnay ng kanilang kahilingan sa dagdag-sahod, ay nanawagan din ang mga ito na ibaba ang buwis, dahil isa umano ang bansa sa may pinakamataas na Income Tax Bracket.
Kabilang din sa panawagan ng grupo ang No Contractualization, No Reorganization, at ang pagbasura sa EO 201 at EO 203. –Ulat ni Jovelyn Astrero