Pormal ng nakipagkaisa ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) Regional Party ng anak ng Pangulo at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa lokal na partidong Unang Sigaw ni Atty. Aurelio “Oyie” Umali sa ginanap na Campaign Caravan sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa Cabanatuan City, February 20, 2019.

   Magkasabay na nilagdaan ng mga pinuno ng dalawang partido ang kasunduan bilang ganap na magkaalyansa at nanumpa sa harap ng mahigit dalawampung libong Novo Ecijano.

   Ayon sa HNP, ito na ang pinakamaraming tao na kanilang pinuntuhan mula ng sila ay magsimulang mangampanya sa luzon.

   Isa-isang ipinakilala ng anak ng Pangulo ang hanay ng kaniyang mga pambato sa Senado.

   Kabilang ang mga nagnanais na muling maupo at makabalik sa Senado na sina Sonny Angara, Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Pia Cayetano.

   Sisikapin ding makapasok sa pwesto nina Former Reporter Jiggy Manicad, Former MMDA Chairman Francis Tolentino at Former PNP Director Ronald “Bato” Dela Rosa.

   Habang nagpadala naman ng mga representante sina Former Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Maguindanao 2nd District Rep. Zajid Mangudadatu.

   Kumpletong dumalo ang hanay ng Team Unang Sigaw sa pamumuno nina Gubernatorial Candidate Atty. Aurelio “Oyie” Umali, 3rd District Congresswoman Candidate at Gov. Czarina “Cherry” Umali at Vice Gubernatorial Candidate Doc Anthony Umali.

   Maging ang mga lokal na kandidato sa pagka-kongresista, board member, mayor, vice mayor at konsehal sa tatlumpu’t dalawang bayan at lungsod ng lalawigan ay pinuntahan ang pagtitipon.

   Naroon din ang Independent Cabanatuan City Mayoral Candidate at Broadcaster na si Philip “Dobol P” Piccio.

   Ang Campaign Caravan ay inorganisa ng lokal na partido na mainit na sinuportahan ng mga Novo Ecijano. –Ulat ni Danira Gabriel