Magkatuwang na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang USAD o United Stand Against Dangerous Drugs, na suportado ng Anti-Illegal Drug Convenors, Ako ang Saklay at iba’t ibang Munisipalidad, bilang pamantayan sa pagresolba sa problema sa Ilegal na droga sa probinsya.
Bahagi ng naturang proyekto ang Advocacy, Rehabilitation, Reformation at Law Enforcement and Empowerment. Layon din nitong hikayatin ang iba’t ibang government agencies na makiisa upang labanan ang illegal na droga.
Sa mensahe ni Governor Czarina Umali, muli nitong inalala ang kanyang naging panawagan sa paglulunsad ng drug summit noong Setyembre ng nakaraang taon, na ang laban kontra sa illegal na droga ay magpapatuloy ngunit hindi sa pamamagitan ng dahas o pagkitil ng buhay kundi sa pamamagitan ng malasakit at mga programa.
Ayon naman kay Former Governor Aurelio Umali, mula sa 17,000 surrenderees noong Oktubre ng nakaraang taon ay nadagdagan ito ng 11,000 sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sa kanyang talumpati ay inihayag nito ang plano ng Provincial Government na magtayo ng sariling permanenteng drug rehabilitation center na naka-pattern o itutulad sa drug center na nasa Bataan, upang maaccomodate ang lahat ng drug dependents sa buong probinsya
Kasabay ng paglulunsad ng USAD ay ang turn over ng 100 illegal drug surreenderees sa Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center na nasa Fort Magsaysay, Palayan City.
Inaasahan ng dating Gobernador na magtatagumpay ang kampanya laban sa illegal na droga sa Lalawigan sa tulong ng pakiisa ng iba’t ibang Local Government Units at Barangay. –Ulat ni Jovelyn Astrero