Naniniwala si Evangeline Mercado, Municipal Social Welfare and Development Officer I ng Bayan ng Aliaga, na tataas ang nutritional status at nutritional level ng 1,121 Day Care children sa kanilang bayan dahil sa Milk and Hot Meals Supplementation Program ng gobyerno.

Sumigla at naging mas alerto umano sa klase ang mga Day Care Children sa Bayan ng Aliaga mula ng masuplyan ang mga ito ng libreng gatas mula sa PCC at hot meals mula sa DSWD.

Sumigla at naging mas alerto umano sa klase ang mga Day Care Children sa Bayan ng Aliaga mula ng masuplyan ang mga ito ng libreng gatas mula sa PCC at hot meals mula sa DSWD.

   Araw-araw ay nakatatanggap ng libreng gatas mula sa PCC o Philippine Carabao Center at hot meals mula sa DSWD ang mga batang ito.

   Bawat sachet ng gatas ng kalabaw ay nagkakahalaga ng 14 pesos, habang nasa 15 pesos naman ang nakalaang budget para sa hot meals ng bawat bata kada araw.

   Ayon kay Mercado, mula sa 1, 121 Day Care children sa Bayan ng Aliaga ay nasa 123 ang malnourished o kulang sa timbang.

   Natuto naman umanong kumain ng gulay at naging magana sa pagkain ang mga mag-aaral sa Poblacion Centro Day Care Center at Poblacion East I Day Care Center simula ng maisagawa ang Milk and Hot Meals Supplementation Program sa kanilang lugar.

Masustansyang pagkain tulad ng gulay, ito ang isa sa ipino-promote ng mga Day Care Centers sa Bayan ng Aliaga para sa mga bata.

Masustansyang pagkain tulad ng gulay, ito ang isa sa ipino-promote ng mga Day Care Centers sa Bayan ng Aliaga para sa mga bata.

   Ayon naman kay Loida Bucobo, Day Care Worker ng Poblacion East II, naging alerto at masigla sa klase ang kanyang mga estudyante mula ng masuplayan ang mga ito ng gatas.

   Para naman kay Geraldine Feliciano, Pangulo ng mga magulang sa Poblacion East II Day Care Center, malaki ang naging pagbabago sa kanyang anak mula ng araw-araw itong umiinom ng gatas ng kalabaw, maliban sa gumana aniya ito sa pagkain ay sapat na rin ang tulog ng kanyang anak.

   Ang programa ay isasagawa sa loob ng 120 days, na sinimulan sa naturang bayan noong November 28, 2016 at inaasahang matatapos sa May 2017. –Ulat ni Jovelyn Astrero