Pagpapahayag ng salita ng Diyos, pasasalamat sa mga haligi o mga taong nagsilbing katuwang ng paaralan, at pagtulong sa kapwa, ito ang tatlong pinakamahalagang mensahe ng pagdiriwang ng ika-90th Anniversary ng College of the Immaculate Conception sa Cabanatuan City.

   Ayon kay Father Michael Veneracion, Presidente ng naturang eskwelahan at Superintendent ng lahat ng Katolikong Paaralan ng Diocese ng Cabanatuan, ginamit nila ang mga salitang Tambol, Haligi, at Alab sa selebrasyon ng kanilang Anibersaryo, na nagpapahayag ng kabutihan ng Diyos.

   Dagdag nito, mahalaga sa pananampalatayang katoliko ang pagdiriwang ng Fiesta Immaculata o ang kalinis-linisang paglilihi ng Mahal na Birheng Maria, sapagkat ito ang naging daan upang isilang si Hesus na nagbibigay ng pag-asa sa bawat mananampalataya na malinis ang kanilang mga pagkakasala.

   Pinangunahan ni Bishop Sofronio Bancud ang isinagawang misa noong December 8, 2016 ng umaga, kung saan sinabi nito na ang taunang pagdiriwang ng Fiesta Immaculata ay pagpapahayag ng pagkakabuklod-buklod at pagkilala sa presensya ng Diyos bilang gabay sa buhay ng bawat isa.

   Sa panayam naman kay Phil Archie Dela Cruz, Director for Linkages, Alumni and Promotions Office ng CIC, isa sa kanilang mga aktibidad noong nakaraang Huwebes ay ang tinatawag nilang Pastoral Care for the Community kung saan nagsasagawa ng iba’t ibang proyekto ang mga mag-aaral, mga magulang, alumni, at mga namumuno sa nasabing paaralan para sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong.

   Dagdag nito, matagal na nilang isinasagawa ang ganitong klase ng mga aktibidad hindi lamang sa mga komunidad kundi maging sa mga pasyente ng Hospital at mga preso, at sa kasalukuyan ay nasa pito na ang kanilang adopted community na pinagkakalooban nila ng mga tulong taun-taon. –Ulat ni Jovelyn Astrero