Kabi-kabilang posts sa facebook ng ilang Municipal Police Community Relations ng lalawigan ang inulan ng papuri sa social media dahil sa pagiging good samaritan ng mga kapulisan.

Isang pulis-Zaragoza habang tinutulungan ang isang PWD na tumawid sa kalsada. #OneCcommendableAct

Sa Facebook post ng Ccps Pcr Cabanatuan City nitong June 25, ipinakita ang pagtulong ni PO3 Leopoldo Malicse Jr. sa isang matanda na nakaupo sa gilid ng daan sa Sangitan Public Market.

Ayon sa caption, tutulungan sana ng pulis na tumayo at lumipat ng pwesto ang matanda upang hindi mabunggo. Ngunit dahil ayaw tumayo ng matanda ay binigyan na lamang ng pagkain na labis nitong ikinatuwa.

Umabot ng 284 likes, 233 shares at 178 comments ang nasabing Facebook post kung saan nabigyan ng positive comments si PO3 Malicse.

Si PO3 Leopoldo Malicse Jr. habang tinutulungan ang isang matanda na nakaupo sa gilid ng daan sa Sangitan Public Market.

Sa Facebook post naman ng PCR Zaragoza noong June 23, bumida naman ang kabutihan ni PO3 Allan De Leon sa isang residenteng kaka-opera lamang sa tiyan na pinagkalooban niya ng medical kit at tulong pinansyal.

Inulan rin ng pagsaludo sa pulis ang nasabing post na nakakuha ng 202 likes, 12 shares at 31 comments.

Si PO3 Allan De Leon habang binibigyan ng medical kit at tulong pinansiyal ang isang lalakeng kaka-opera lang sa tiyan.

Trending din ang pagbibigay ni SPO1 Rommel Bacani ng kanyang baong pagkain sa isang PWD sa barangay San Isidro, Zaragoza.

Umabot sa 605 likes, 59 positive comments, at 229 shares ang nasabing post.

Si SPO1 Rommel Bacani habang pinapakain ng kanyang baon ang isang PWD sa Brgy. San Isido, Zaragoza.

Bumilib naman ang mga netizens sa ipinakitang kagandahang loob ni PO3 Victor Dalusong ng Jaen Police Station.

Si PO3 Victor Dalusong ng Jaen Police Station habang tinutulungan ang isang matandang naligaw sa kanilang istasyon.

Sa post ng Jaen PCR nitong June 18, tinulungan ng pulis ang isang matanda na naligaw sa lugar. Binigyan niya ito ng pagkain at kinontak ang pamilya upang makauwi ng ligtas sa kanilang tahanan.

 

Umabot sa 250 likes, 15 comments at 22 shares ang nasabing post na katulad ng mga nauna ay umani rin ng paghanga sa pulis.

Ang nasabing mga commendable acts ng mga kapulisang ito ay ilan lamang sa libu-libong good deeds ng iba pang good samaritans na talaga namang karapat-dapat na tularan.

Patunay lamang na kahit sa simpleng bagay ay maaari ka nang makapaghatid ng good vibes sa iyong kapwa. ULAT NI JANINE REYES.