Maghahandog ng Voucher Program ang Department of Education para sa mga mag-aaral ng Senior High School o Grade 11 At Grade 12 sa ilalim ng Programang K-12, na hindi kayang i-accommodate ng mga Pampublikong Paaralan, bilang tulong sa pambayad ng kanilang pang-matrikula sa mga Pribadong Paaralan, ayon kay Chief Education Supervisor Enrique Angeles Jr.
Ang Voucher program ay pagbibigay ng subsidiya ng Gobyerno sa mga ESC o Education Service Contracting Grantees at mga Public school Students na mag-eenroll sa mga pribadong paaralan, ang voucher ay nagkakahalaga ng 17, 500 pesos.
Sa kasalukuyan ay nasa ikalimang taon na ang implementasyon ng K to 12 program ng DepEd, at sa darating na pasukan ay maidadagdag na ang Senior High School o ang Grade 11 at 12 para sa buong implementasyon ng programa.
Sa forum na isinagawa kamakailan sa Bayan ng Caranglan bilang parte ng information dissemination ng DepEd tungkol sa Senior High School, ilan sa mga magulang doon ang nagsabing pabor sila sa dalawang taon na dagdag na pag-aaral sa sekondarya ng kanilang mga anak.
Isa si Mang Henry Akuyan sa nagsabing pabor siya sa K to 12 program, ayon sa kanya naiiwan na ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa pagdating sa taas ng antas o kalidad ng edukasyon kaya marapat lamang mai-angat din ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa kabila ng mga pangamba sa gastusin sa dalawang dagdag taon na pag-aaral sa High School, si Maam Edna Lorenzo bilang guro at magulang ay naniniwalang malaki ang papel ng K to 12 program para sa pag-angat ng edukasyon sa bansa.
Ayon naman kay Principal II Edgardo Pacua ng Caranglan Central School, ilan sa kanilang mga problema na dapat pagtuunan ng pansin upang maging matagumpay ang programa ay ang kakulangan sa pagsasanay sa mga guro, kakulangan sa mga pasilidad tulad ng mga silid aralan.