Bilang tugon sa panawagan ni Governor Czarina “Cherry” Umali sa pagpuksa sa iligal na droga sa Lalawigan ng Nueva Ecija ay naglunsad ang Ako ang Saklay Center ng BUKAS-PALAD o Bayang may Ugnayan at Kalinga sa Pamilya Laban sa Droga at COMBAT o Community Based Treatment Program na magbibigay ng pagkalinga at malasakit sa mga Drug Dependent na nais ng magbagong buhay.
Suportado ito ng Provincial Anti-Drug Abuse Convenors Council sa pangunguna ni Atty. Aurelio Umali bilang Chairman at ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ayon kay Fr. Arnold Abelardo ng Ako ang Saklay Center, nakapaloob sa dalawang programang ito ang Recovery, Empowerment, Spirituality, Enrichment, Compassion at Training na magbabalik sa moral ng mga taong nalulong sa masamang bisyo at magbibigay ng kamalayan sa mga mamamayan sa masamang dulot ng droga.
Isa din sa konsepto ng programa ay ang paghahanap ng mga CCTV o Community Care Team Volunteers sa bawat bayan na isasailalim sa iba’t ibang pagsasanay kung paanong ang simpleng mamamayan ay magiging kabahagi ng pagbabago ng bawat komunidad.
Ang Ako ang Saklay Center ay itinalaga bilang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa paggawa at pagpapatupad ng mga programa laban sa iligal na droga, kung saan kakailanganin ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Nananatiling naninindigan si PADACC Chairman Oyie Umali na hindi ang dahas o ang pagkitil sa buhay ang katugunan para makamit ang tunay na pagbabago kundi ang pagbibigay ng ikalawang pagkakataon at pagtulong sa mga taong nalulong sa droga upang makabangon muli sa buhay.
Hinikayat din ng dating Gobernador ang bawat sektor ng lipunan na maging kabahagi sa pagbuo ng isang pamilyang maaaring matakbuhan ng mga Drug Dependent upang matulungan silang maibalik ang respeto at pagpapahalaga sa kanilang mga sarili. -Ulat ni Jovelyn Astrero