Iginiit ni Konsehal Nero Mercado, sa Ikalabing Apat na Regular Session ng Sangguniang Panglunsod ng Kabanatuan na magsagawa ng Public Hearing bago aprubahan ang pagpapatayo ng Baratilyo sa harap mismo ng Pamilihang Bayan ng naturang lungsod.

   Sa pahayag ni Kon. Nero Mercado mahalaga umano na idaan sa pormal at tamang proseso ang pag-apruba sa kahilingan ni Mayor Jay Vergara na bigyang karapatan ang MV Lo trading na magtayo ng Baratilyo sa palengke.

   Matatandaan na hinihiling ni City Mayor Jay Vergara sa Sangguniang Panglunsod sa pamumuno ni Vice Mayor Doc Anthony Umali na bigyan ng karapatan ang MV Lo trading and trade organizer na magtayo ng mga tindahan o ang tinatawag na “Baratilyo” mula October 10, 2016 hanggang January 15, 2017 na ipwepwesto sa Paco Roman at Burgos Streets, Cabanatuan City.

  Sa naganap na sesyon, naunang itinulak ni Cabanatuan City Councilor at Committee Chairman Ruben Ilagan na ipasa na sa ikalawang pagbasa ang kahilingan ni Mayor Vergara kahit hindi pa ito dumaraan sa Public Hearing.

  Dahil sa mariing pagtutol ni Kon. Mercado ay kumambiyo si Kon. Ilagan at sinang-ayunan ang pagdinig sa panig ng Cabanatuan City Supermarket Vendors Association at iba pang sektor na maapektuhan nito.

  Sa isang panayam kay Vice Mayor Doc Anthony Umali kaugnay sa Baratilyo, sinabi nitong magiging patas at pahahalagahan ang karapatan ng bawat mamamayan at hindi niya papayagan na madehado ang sinumang Cabanatueño.

  Nakatakdang ganapin ngayong araw October 06, 2016 sa Session Hall ng Sangguniaang Panglunsod ang Public Hearing. -Ulat ni Danira Gabriel