Mananatili umanong buhay ang mga ala-alang iniwan ni Vice Mayor Santy Austria sa puso’t isipan ng mga taong kanyang minahal at pinaglingkuran.

   Ito ang mensaheng ipinarating ng mga kaanak, kaibigan, kapwa lingkod bayan, at mamamayan ng Jaen bago tuluyang namaalam sa itinuturing na haligi ng bayan ng Jaen.

   Sa ginanap na necrological rites sa Munisipyo ng Jaen, ilan sa mga nagbigay ng eulogy o pagkilala ay sina Former Governor Aurelio Umali, kapatid na si Konsehal Lui Austria, asawa at mga anak ni Vice Mayor Santy, mga Konsehal ng bayan ng Jaen.

   Sa mensahe ni Former Governor Oyie, inihayag nito ang kanyang paghanga sa pagmamahal na ibinigay ni Vice Mayor Santy para sa mga mamamayan ng Jaen, kung paano nitong pinagkakasya ang maliit na pondo para sa pagpapagawa ng mga paaralan at iba pang mga proyekto para sa ikagiginhawa at ikauunlad ng kanilang bayan at mamamayan nito.

Si Former Governor Aurelio Umali sa kanyang huling sulyap kay Vice Mayor Santy Austria.

Si Former Governor Aurelio Umali sa kanyang huling sulyap kay Vice Mayor Santy Austria.

   Hiniling din ng dating gobernador sa mamamayan ng Jaen na kung paanong minahal ni Vice Mayor Santy ang kanilang bayan ay tumbasan din sana ito ng pagmamahal ng taong bayan.

   Bilang pagkilala sa malaking papel na ginampanan ni Vice Mayor Santy hindi lamang sa bayan ng Jaen kundi maging sa buong Lalawigan ng Nueva Ecija ay iginawad ng dating Gobernador ang parangal mula sa Pamahalaang Panlalawigan para sa namayapang ikalawang Punong Bayan, na tinanggap ng kanyang kabiyak na si Mayora Sylvia Austria.

PHOTO COURTESY OF SERBISYONG MATAPAT PARA SA NOVO ECIJANO: Binigyang parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ang mahabang panahong paglilingkod sa bayan ni Vice Mayor Santy Austria na iginawad ni Former Governor Aurelio Umali at tinanggap ni Mayora Sylvia Austria.

PHOTO COURTESY OF SERBISYONG MATAPAT PARA SA NOVO ECIJANO: Binigyang parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ang mahabang panahong paglilingkod sa bayan ni Vice Mayor Santy Austria na iginawad ni Former Governor Aurelio Umali at tinanggap ni Mayora Sylvia Austria.

   Nanatili namang matatag si Mayora Sylvia sa  kanyang pag-alaala kung paanong nagsilbi sa bayan ang kanyang asawa, mula sa pagtulong sa mga mamamayang kumakatok sa kanilang tahanan kahit madaling araw hanggang sa kanyang pagtalima sa bawat sakuna.

   Mabigat man ang kalooban ay nagbigay pa rin ng mensahe si Konsehal Lui, na papalit sa tungkuling naiwan ni Vice Mayor Santy, at sinabing marahil dahil sa ilang taong pag-aalay ng sarili para sa bayan, ngayon ay kinailangan ng mamahinga at lumisan ni Vice Mayor Santy.

   Matapos ang Eulogy, ganap na alas dose ng tanghali nang ilabas na ang mga labi nito sa Munisipyo upang dalhin sa San Agustin Parish Church para sa isang Memorial Mass kung saan libu-libong Novo Ecijano ang dumalo dito.

   Alas tres trenta ng hapon nang matapos ang misa at ilabas na sa simbahan ang mga labi ni Vice Mayor Santy upang ihatid sa Jaen Cemetery kung saan ito inilibing.

   Paalam Vice Mayor Santy Austria, isa kang mabuting haligi ng Bayan ng Jaen! -Ulat ni Jovelyn Astrero