Mas pinaigting ng Provincial Government ng Nueva Ecija ang kampanya kontra iligal na droga sa ginanap na pinakamalaking Anti-drug Abuse Summit na nilakipan ng temang “Malinis na pamumuhay, masiglang pamayanan, maunlad na kinabukasan.” Katuwang ang Provincial Anti drug abuse Convenors Council at Provincial Task Force Against Illegal Drugs.
Matibay ang paninindigan ni Gov. Czarina “Cherry” Umali na tuluyang puksain ang iligal na droga sa probinsiya.
Sa mahinahon ngunit matapang na pahayag ni Gov. Cherry Umali, hindi umano maaari na may maiwan kahit isang indibidwal sa madilim na mundo ng ipinagbabawal na gamot. Ngunit, hindi sa paraan ng pagpatay. Aniya, kailangan silang isalba at iligtas sa pamamagitan ng binabalangkas na programa ng Pamahalaang Panlalawigan.
Binalangkas ng Pamahalaang Panlalawigan ang konkretong plano sa pagpapatupad ng programa laban sa iligal na droga. Mula sa paghuli ng PNP sa mga drug dependents; pagsasagawa ng ebalwasyon ng DSWD, DOH at iba pang Non Government Organizations sa mga surrenderee; pagbibigay ng training ng TESDA at dti para sa aspetong pangkabuhayan; at higit sa lahat ang paghingi ng suporta sa pamilya at kaibigan ng mga biktima upang makatulong sa kanilang pagpapagaling at manumbalik sa kanilang dating pagkatao.
Kasabay nito, ang tuloy-tuloy na pagpapatayo ng Bahay Pagasa(rehabilitation centers) sa probinsiya bukod pa sa tatlumpu’t dalawang bayan at siyudad na patuloy na itinatayo sa lalawigan, upang matugunan ang pagbabagong buhay ng mga mamamayan na naligaw ng landas.
Magiging posible lamang umano ang katagumpayan ng programa kung ang bawat isa ay magtutulungan sa paglaban sa iligal na droga.
Mas paiigtingin din ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapalawak ng kamalayan ukol sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nito sa mga simbahan at paaralan.
Samantala, mahigit sa 3,000 opisyales ng mga bayan/lungsod, barangay, National Government at Non-Governmental Organizations ang sumuporta sa naturang pagtitipon. Nagsilbing panauhing pandangal sina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isidro Lapeña, Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. John Castriones at Nueva Ecija Anti-Illegal Drugs Convenor Atty. Aurelio “Oyie” Umali.
Pinuri ni PDEA Director General Isidro Lapeña ang pagdaros ng Anti-illegal d=Drug Summit sa probinsiya. Ipinagmalaki ni Lapeña, umabot na sa 1.4 tonelada ng shabu ang nakumpiska ng pdea sa loob lamang ng unang dalawang buwan na panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, malayo ito sa 575 kilograms na nakolekta noong taong 2015.
Kasabay ng Drug Summit, mahigit kumulang sa isang daang kawani ng Bureau of Fire and Protection(BFP) ang sumalang sa mandatory drug testing bilang pakikiisa sa kampanya ng probinsiya kontra iligal na droga. -ulat ni Danira Gabriel