Mahigit sa dalawang daang seedlings ang sabay-sabay na itinanim ng mga miyembro ng Peace Riders Club Philippines sa Dupinga Gabaldon, Nueva Ecija.
Hindi ininda ng grupo ang makulimlim na panahon, pagtawid ng ilog at matarik na daan upang maitanim ang mga puno ng narra, mahogany, santol, lansones at bayabas sa ituktok ng bundok ng Dupinga River.
Ang tree planting ay bilang kontribusyon ng PRC Philippines sa napakaraming punong kahoy na nasira at nawala sa pagsalanta ng Bagyong Lando, Nona at Kabayan noong nakaraang taon sa mga kabundukan ng bayan ng Gabaldon.
Bukod sa tree planting, gawain rin ng grupo ang magsagawa ng mga outreach programs at community services sa iba’t-ibang lugar sa bansa bilang bahagi ng misyon ng prc na makatulong sa komunidad.
Nagmula pa sa iba’t-ibang probinsiya ang mga miyembro na dumalo para sa tree planting kagaya ng Valenzuela, Caloocan, Pampanga, Bataan at marami pang iba. Kagaya na lang ni Marvin at Mayeth na bumiyahe pa galing sa Laguna. -Ulat ni Danira Gabriel