Sabay-sabay na nanumpa na magbabagong buhay at tuluyan ng tatalikuran ang masamang bisyo ng mga residenteng umamin na gumamit at nagtulak ng ilegal na droga sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija.
Pumalo sa Tatlong daan at Apat napu’t Apat na drug personalities ang sumuko sa tanggapan ng pulisya ng San Antonio, sa ilalim ng programang Oplan Tokhang na mahigpit na pinaiiral ngayon sa buong bansa.
Ayon kay PS/INSP Arnel Aguilar, maging ang mga nasa listahan ng top 10 drug personalities ay kusang loob na sumuko sa pulisya.
Nilinaw ni Aguilar na hindi dito natatapos ang kanilang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga. Patuloy umano nilang i-moni-monitor ang mga sangkot sa droga.
Sa pahayag naman ni Mayor Arvin Salonga, kulang pa ang bilang na ito sa kanyang inaasahan. Aniya, marahil ay nahihiya o natatakot pa umano ang mga biktima ng ilegal na droga kaya hindi pa sumusuko.
Maanghang naman ang binitawang salita ni Salonga sa mga magtatangka pang lumabag sa batas na pinaiiral ng mga otoridad. -Ulat ni Danira Gabriel