Bagong pag-asa para sa kinabukasan ng mamamayang Pilipino ang nakikita ngayon ng mga progresibong grupo sa bansa kabilang ang BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan sa muling pagbubukas ng formal peace talk sa pagitan ng National Democratic Front at gobyerno ng Pilipinas.

Si Roman Polintan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan ng Gitnang Luzon sa panayam ng Balitang Unang Sigaw.
Ayon kay Roman Polintan, tagapangulo ng BAYAN-Gitnang Luzon, maraming ipinangako si President Rodrigo Duterte na sa tingin naman niya ay nagkakaroon ng katuparan kabilang na nga ang peace talk.
Taong 2011 aniya natigil ang usaping pangkapayapaan dahil minaliit ng magkasunod na administrasyon nina former President Gloria Arroyo at dating Pangulong Noynoy Aquino ang rebolusyonaryong kilusan at ipinaubaya sa kapulisan ang pag-aalsa ng taong bayan samantalang ang sanhi nito ay ang problema ng mamamayan sa kakulangan sa pangunahing pangangailangan.

Si Joma Sison kasama ang mga miyembro ng BAYAN. Photo credits to Google
Inaasahan na sa darating na July 15, 2016, tatalakayin sa pagsisimula ng formal peace talk na gaganapin sa Oslo, Norway ang pagpapalaya sa mga political detainees, socio-economic reform, political reform, at tigil putukan sa parehong pwersa ng New People’s Army at Armed Forces of the Philippines.
Sa pamamagitan ng general amnesty na pangangasiwaan ng kongreso, umaasang mapapalaya ang 580 na bilanggong pulitikal kung saan labingwalo dito ay NDF consultant na lalahok sa usaping pangkapayaan.- ulat ni Clariza de Guzman