Prayoridad ni Mayor Nerivi Santos-Martinez sa kaniyang ikalawang termino ang mga pangangailangan ng Senior Citizens sa bayan ng Talavera.
Balak ng Punong Bayan na magpatayo ng Free Rehabilitation Center upang matulungan ang mga nakatatanda sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.
Ayon kay Martinez, dama niya ang tunay na pangangailangan ng kanyang nasasakupan.
Tuloy-tuloy at mas malawak na programa para sa edukasyon ang kanya din paglalaanan ng karagdagang pondo, upang mas marami pang kabataan ang mabigyan ng pagkakataon na makapagtapos ng kolehiyo.
Balak din ng Pamahalaang Lokal na lalo pang pasiglahin ang komersiyo sa naturang bayan.
Sa tulong ng Provincial Government ng Nueva Ecija, plano ni Martinez na gawing “Agro Industrial Zone” ang kahabaan ng kasalukuyang ginagawang Talavera-By-Pass-Road na matatagpuan sa Maharlika Hi-way.
Pangunahing layunin nito na maibsan ang trapiko sa loob ng kabayanan ng Talavera at mapasigla ang turismo sa kahabaan ng kalsada.
Sa pamamagitan nito, ay lalo ng mapapataas ang local income ng nasabing bayan upang ang pinapangarap na maging ganap na itong lungsod ay maging abot kamay na lamang.
Lubos din nagpasalamat ang punong bayan sa lahat ng sumuporta sa kanila sa nakaraang eleksyon. Natatanging ang kanilang partidong liberal lamang ang nagkamit ng straight na boto mula sa lahat ng mga bayan at lungsod ng lalawigan.
Sikreto umano ng kanilang administrasyon ay ang pagiging bukas sa lahat ng mga nangangailangan. -Ulat ni Danira Gabriel