Balik panunungkulan na sina Kapt. Ramon “Suka” Garcia ng Brgy. Barlis at Kapt. Richard Medina ng Brgy. Mayapyap Sur dito sa lungod ng Cabanatuan matapos ang halos labing isang buwan na suspensyon nito.

Noong nakaraang Lunes lamang, May 20, 2019 nang muling nabalik ang dalawang kapitan matapos mai-implementa ng DILG o Department of Interior and Local Government ang Order of Reinstatement o ang kautusan galing sa Ombudsman na nagbabalik kina Kapt. Garcia at Kapt. Medina sa kanilang mga posisyon.

Matatandaan na noong December 2018 ay binaligtad ng Office of the Ombudsman ang unang desisyon nito sa kaso ng repacking na isinampa ni Josephine Libunao kontra kina Kapt. Garcia, Kapt. Medina at iba pa matapos mapatunayan na wala itong sapat na legal na basehan.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw News Team kay Kapitan Garcia, sinabi nito na sana ay huwag maging padalos-dalos sa pagsasampa ng kaso sa kapwa lalo kung ang naaapektuhan ay ang taumbayan.

Ikinatuwa naman ni Kapitan Medina ang muling pagkakabalik niya sa pwesto dahil aniya ay maipagpapatuloy na niya ang kaniyang mga magagandang adhikain para sa Mayapyap Sur, isa na rito ang pagpapasemento ng kalsada sa ilan pang mga eskinita sa kanilang barangay.

Malaki din ang naging pasasalamat ng dalawa sa mga taong tumulong at hindi nang-iwan sa kanila sa labang kinaharap hanggang sa makamit nila ang patas na hustisya.

Kasama ring naibalik sa pwesto noong May 20 ang hepe ng PSWDO o Provincial Social Welfare and Development Office Chief na si Leoncio Daniel. –Ulat ni Jessa Dizon