Kasalukuyan ng dinadala sa itaas ng bundok kung nasaan ang Sapang Mang-ayot ang mga water pipes na ipinagkaloob sa Brgy. Napon-Napon sa Bayan ng Pantabangan na pagdadaluyan ng malinis na tubig patungo sa mga kabahayan.
Ang limampu’t limang water pipes na ito ay ibinahagi ng The Church of Jesus Christ of the Latter-Day Saints sa pamamagitan ng Pamahalaang Panlalawigan bunsod ng pagkasira ng pinagkukunan ng malinis na tubig sa naturang lugar dahil sa bagyong Nona.

Sinimulan na ang pag-aakyat ng limampu’t limang water pipes sa Sapang Mang-ayot sa Brgy. Napon-Napon sa bayan ng Pantabangan, para sa muling pagdaloy ng malinis at sapat na tubig sa naturang lugar.
Bagaman may pansamantalang pinagkukunan ngayon ang barangay ng tubig ay hindi ito nakasasapat sa buong lugar kaya minarapat itong tugunan ng simbahan ng Mormons.
Sama-samang pumanhik sa bundok ang mga volunteers, mga kawani ng Provincial Government at mga miyembro ng nasabing simbahan upang ipanhik ang mga tubo, kung saan makikita sa mga daan ang bakas na iniwan ng mga nagdaang bagyo.
Aabot sa mahigit walong kilometro ang layo ng Sapang Mang-ayot mula sa mga kabahayan kaya hindi naging madali ang pagpapanhik ng mga tubo sa itaas ng bundok.
Hindi man naiakyat ng isang araw ang limampu’t limang tubo ay nagkaisa naman ang mga mamamayan ng naturang lugar sa pangunguna ng mga Brgy. Officials ang pagpapatuloy ng pagpapanhik ng mga water pipes sa bundok para sa agarang tugon sa pangunahing suliranin ng kanilang lugar.