Dalawa lamang sina Lola Remedios Mirenda at Lolo Elpidio Gonzales Jr. sa mga Senior Citizens sa bayan ng Nampicuan na nabiyayaan ng tatlumpung araw na supply ng multivitamins mula sa mga pharmacist.
Bago ang pamimigay ng libreng gamot ay nagkaroon muna ng motorcade na nagsimula sa JV Erese bayan ng Cuyapo na pinangunahan ni Dennis Ortiz Casares, Presidente ng PPHA, na sinalubong naman ito ni Mayor Victor Badar sa tapat ng Nampicuan Municipal Hall at doon na nagpalipad ng mga lobo.
Pagkatapos ng pagpapalipad ng lobo ay Nagkaroon din ng lektyur sa isang daang Senior Citizens, patungkol sa antibiotics at immunization na tinalakay ang kahalagahan ng pagbabakuna, tamang pagamit ng gamot partikular ang paggamit ng antibayotiko.
Sa aming panayam kay Dennis Ortiz Casares, Presidente ng PPHA, iniikot aniya nila ang buong probinsya sa tuwing sumasapit ang espesyal na araw ng mga Pharmacists para doon ganapin ang kanilang selebrasyon.
Nagtungo naman ang mga parmasyotiko sa Hope Center sa bayan ng Nampicuan, upang magsagawa ng Medical Mission at counselling sa mga repormista kung saan namigay sila ng libreng gamot, konsultasyon, at personal hygiene kit sa mga Drug reformist.
Ayon naman kay Rhea Leyva Santos, dating pangulo ng PPHA, ang layunin nila na makapagbigay ng mas malawak na kaalaman sa paggamit ng mga gamot, at matulungan ang ibang sektor sa lipunan na mas higit na nangangailangan ng libreng gamot at konsultasyon.
Umabot sa dalawang daang partisipante na binubuo ng mga PPHA o Philippine Pharmacists Association (Nueva Ecija-Chapter), Local Government Units, estudyante ng iba’t ibang Unibersidad, kapulisan, Bagwis Marshalls ang iba pang lumahok sa nasabing pagdiriwang.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.