Isang kilos-protesta sa pangunguna ng Cabanatuan City Consumers’ Association ang sumalubong sa public hearing nitong Miyerkules, Nobyembre 19, sa University Hostel ng NEUST Sumacab Este, Cabanatuan, kung saan tinalakay ng CELCOR at ERC ang pagkukuhanan ng halos 89-milyong pondong gugugulin sa pagpapatayo ng CELCOR subsite na magpapa-andar sa pangangailangang enerhiya ng SM Cabanatuan at karatig-lugar umano na sakop ng panukalang substation.
Balak itong isakatuparan sa pamamagitan ng ERC Case no. 2014-148 ERC Application for Approval of Additional Capital Expenditure (CAPEX).
“COMMITTED ENERGIZATION WITH LARGE MALL OPERATOR” -CELCOR
Ipinaliwanag ng CELCOR na hindi lamang para sa itinatayong SM mall ang proyekto, nguni’t maliwanag na nakasaad sa report mismo ng CELCOR na ang prayoridad na hinihiling sa pagpapatayo ng substation ay bunsod ng pangangailangang enerhiya ng SM mall dulot ng commitment ng CELCOR na mapaandar ang kuryente nito simula Abril 2015.
MORO-MORONG PUBLIC HEARING?
Nilinaw naman ng ERC sa pamamagitan ni presiding officer Atty. Gregorio L. Ofalsa na sa bisa ng parehong public hearing ay hihimayin pa ng ERC ang mga ebidensyang ilalatag ng CELCOR bago aprubahan ang CAPEX application request ng CELCOR. Ngunit laking gulat ng mga Cabanatueno nang tanungin ang CELCOR kung nagsisimula na ang proyekto, at sinabi nitong may mga nakalagak nang pundasyon para sa pagpapatayo ng naturang substation kahit wala pang basbas ng ERC.
“Hindi kaya’t nagmistulang zarzuela o moro-moro na lamang ang public hearing na ito kung nagsisimula na rin pala ang pagpapatayo ng substation sa kabila ng kawalang approval ng ERC sa proyekto?” tanong ni Philip Piccio ng TV48-DobolP.
Ani Atty. Ofalsa, hindi naman daw mapipigilan ng ERC ang CELCOR sa ganitong situwasyon at itinuturing na “risk” lamang sa bahagi ng CELCOR ito sakaling hindi aprubahan ang request nitong dagdag na pondo. Sa dulo, ebidensya pa rin daw ang titimbangin ng ERC kung papayagan nila ang request ng CELCOR.
CELCOR AT CITY HALL: ONE AND THE SAME?
Naungkat din sa public hearing ang “conflict of interest” bunsod ng pag-aari ni Jay Vergara at ng pamilya nito ng CELCOR habang siya rin ang mayor ng Cabanatuan.
“Kung tila nagkukumahog ang CELCOR na magpatayo ng substations para sa isang malaking mall operator, bakit gayun naman ang kabagalan nito sa pagsagot sa hiling ng maliliit na Cabanatueno?” hinaing ni Rolly Romero, isang residente ng Cabanatuan.
Dagdag naman ni Pastor Fortunato Caliz, secretary general ng Cabanatuan City Consumers’ Association, “Lagi na lang ba ang masang Cabanatueno ang dapat sumalo sa napakataas na singil ng kuryente habang ang mga nagpapatakbo nito ay patuloy na tumutubo lamang at nagpapasasa?”
Sa katunayan, banggit ni Philip Piccio, “pinakamataas ang sinisingil na kuryente ng CELCOR kumpara sa buong region 3 at Luzon.”
Tahimik lamang ang mga kinatawan ng CELCOR sa mga nabanggit na isyu bukod sa nagprisinta ng kanilang CAPEX request.
Nangako ang Cabanatuan City Consumers’ Association na simula pa lamang ito ng marami pang kilos-protesta at pagpapalawak ng kampanya nito laban sa di-makatuwirang sinisingil ng CELCOR sa mga Cabanatueno lalupa’t ipinapakita ng CELCOR ang kawalang-pakialam nito sa taumbayan sa naganap na public hearing.
Ikaw, Cabanatueno, payag ka bang ikaw ang magbayad ng halos 89-milyong gugugulin sa pagpapatayo ng CELCOR subsite para lamang maitayo ang SM Mall ng Cabanatuan?