Nasalanta man ng bagyo ang Lalawigan ng Nueva Ecija na sumira sa kabuhayan ng mga Novo Ecijano ay patuloy naman itong bumabangon kaagapay ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio Matias Umali, na nagpamahagi kamakailan ng daan-daang sako ng mga binhi sa dalawang barangay sa Bayan ng Cabiao.
Bilang kinatawan ng Gobernador, personal na inihatid ni 3rd Distict Congresswoman Cherry Domingo Umali ang mga binhi sa mga magsasaka ng Barangay Sta. Isabel at Barangay Bagong Sikat ng naturang bayan.
Ayon sa Kongresista, patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Oyie Umali sa pag-agabay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga programa.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga kapitan ng naturang mga barangay hindi lamang sa mga binhing ipinagkaloob sa kanila kundi maging sa iba pang mga proyekto at serbisyo na ibinababa sa kanilang mga nasasakupan ng Pamahalaang Panlalawigan. -Ulat ni Jessa Dizon