Sinabi ni Former Representative AGHAM Partylist at Former Station Manager ng ABS-CBN DZMM Angelo B. Palmones, na napakahalagang mabigyan ng kamalayan ang mga kabataan sa pagiging handa sa pagdating ng kalamidad.
Ayon kay Palmones, isa sa mga karaniwang dahilan kung bakit marami ang namamatay tuwing dumarating ang malalakas na bagyo sa bansa, ay dahil kulang aniya sa kamalayan ang karamihan pagdating sa kahandan.
Kaya naman, isa ito sa tinalakay sa isinagawang “Youth Leadership, Climate Change and Energy Conservation Seminar”, ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines, sa pakikipagtulungan ng PYDC o Provincial Youth Development Council at ng Nueva Ecija-Aurora Energy Press Corps, kahapon, na ang pangunahing layunin ay makapagbigay ng impormasyon sa mga kabartaang Novo Ecijano, patungkol sa Climate Change.
Layon din nito na maimulat ang mga kabataan sa maaari nilang maging kontribusyon sa pagresolba sa mga problema ng lipunan, particular na sa pangangalaga sa mga transmission lines upang maiwasan ang anumang aksidente.
Kabilang din sa mga tinalakay ang perspektibo ng kabataang leader pagdating sa usapin ng Gender Development, Energy Efficiency at Conservation, Basic Operations, Safety Reminders and Anti-Pilferage Campaigns, na dinaluhan ng isang daan at limampung student leaders mula sa labing dalawang participating schools.
Samantala, naniniwala ang PYDC na malaki ang magagawa ng mga kabataang leader sa pangangampanya sa pangangalaga sa kalikasan dahil sa pagiging aktibo ng mga ito sa Social Media.