Humigit kumulang pitungdaang mga bading mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Nueva Ecija ang nagtipun-tipon upang ipagdiwang ang kanilang 1st Provincial Assembly na ginanap sa Convention Center sa lungsod ng Palayan.
Ang grupo ng mga beki sa bansa ay tinatawag noon na ladlad partylist ngunit sa pangunguna ng sikat na TV Host at Newscaster na si Korina Sanchez-Roxas tinatawag na ito ngayong Keribeks o United Beki of the Philippines bilang pagkilala, pagbibigay respeto at suporta sa mga bakla.
Nagbigay aliw sa daan-daang miyembro ng Keribeks ang mga grupo ng Masculados at MP5 bilang bahagi ng pagdiriwang ng araw ng mga Keribeks.
Nagkaroon rin ng dance contest at pa-raffle para sa mga beki na handog nina Gov. Oyie at Congw. Cherry upang mas madagdagan pa ang kasiyahan ng mga ito.
Ayon sa Chairman ng Keribeks Nueva Ecija Chapter na si Apet Cruz, bagaman nasa modernong panahon na tayo ay marami pa rin ang hindi nakakaunawa sa mga tulad nila.
Aniya, hindi pa rin tuluyang nawawala ang diskriminasyon sa katulad nilang mga bakla kaya naman panawagan niya sampu ng kaniyang mga kapwa beki sa mga taong kumukutya
sa kanila na huwag silang husgahan bagkus unawain at pahalagahan dahil sila ay tao rin na marunong masakatan.
Samantala, lubos na pasasalamat ang ipinaabot ng mga beki sa Pamahalaang Panlalawigan sa inihandog nitong kasiyahan at pagpapakita sa kanila ng pantay na pagtingin.
Buwan ng Agusto ng taong kasalukuyan, ng pangunahan ni Korina ang National Assembly ng mga beki na idinaos sa Araneta Coliseum.-Ulat ni MARY JOY PEREZ