Pinuri ng National Commission on Indigenous People-Nueva Ecija si Governor Czarina Umali dahil sa mga kondisyon na ibinigay nito sa Alternergy Corporation bago ipatayo ang proyektong 4.8 Mini Hydroelectric Power Plant sa Dupinga, Gabaldon.

Sa ekslusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kay NCIP Provincial Officer Donato Bumacas, sinabi nito na sang-ayon sya sa ipinagkaloob na provisional Local Environment Clearance Certificate ni Governor Umali sa kompanya.

Nauunawaan aniya niya ang posisyon ng ina ng lalawigan sa pagtiyak nito sa kapakanan ng kanyang nasasakupan.

Pangunahin sa mga hiniling ng gobernadora sa Alternergy ang pagkakaroon ng public consultation sa mga barangay ng Malinao, Ligaya, Tagumpay, Bagong Sikat, Calabasa at Bagting na dinadaanan ng Dupinga River upang alamin ang pulso ng mga taga-Gabaldon.

Si NCIP-NE Officer Donato Bumacas sa panayam ng Balitang Unang Sigaw

Kasama rin ang certification galing sa Mines and Geo Sciences Bureau at Philvocs o Philippine Volcanology and Seismology na nagsasabing safe na magpatayo ng planta sa bundok at ilog dahil sa aktibong fault line sa Gabaldon na itinuturong sanhi kung bakit prone ang lugar sa landslide at flashflood.

Paliwanag ni Bumacas pabor siya sa kaunlaran at benepisyong hatid ng proyekto ngunit dapat pa rin aniyang isaalang-alang ang kaligtasan ng taumbayan.

Nanawagan din ito bilang pinuno ng NCIP kay Gov Cherry na sana ay mapakinggan din ang panig ng mga katutubong Dumagat dahil nagrereklamo umano ang mga ito sa kanya na may bahagi ng kanilang ancestral land na nabili ng kompanya nang hindi nila alam.

Nais rin nitong reviewhin ang mga probisyon na nakasaad sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Chieftains ng mga Dumagat at ng Alternergy upang masiguro na hindi maaagrabyado ang mga ito na silang nagmamay-ri ng lupang pagtatayuan ng hydro power plant.- ulat ni Clariza de Guzman