No bio, No boto. Yan ang paksa ng kauna-unahang Voter’s Registration Education Seminar noong lunes na inilunsad ng Provincial Youth Development Council o PYDC katuwang ng Commision on Elections. Tinalakay dito ang mga kailangang gawin ng mamamayan lalo na ng mga kabataan para sila ay makaboto sa nalalapit na eleksyon.
Ang seminar na ito ay isang youth development project sa pangunguna ng ama ng lalawigan Gov. Aurelio Matias Umali, ang kanyang may-bahay CongW. Cherry Domingo-Umali, Doc Anthony Umali at ang Bise Gobernador GP Padiernos.
Ginanap ang pantas-aral na ito sa College for Research and Technology na dinaluhan ng mga estudyante at guro ng nasabing paaralan para mas maunawaan nila ang bagong kautusan na ng COMELEC pagdating sa pagboto.
Ayon kay PYDC Chairman Billy Jay Guansing ay una pa lamang ito sa mga serye ng seminar na isasagawa sa iba’t ibang lugar dito sa ating lalawigan.
Paliwanag ni Mr. Leonardo Navarro, City Election Officer ng Cabanatuan City at nasasaad din sa Republic Act No. 10367, kapag hindi nakapagparehistro ang isang residente sa pamamagitan ng biometrics ay hindi ito maaaring bumoto.
Sa mga nagnanais pang humabol sa pagpaparehistro ay pumunta lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng COMELEC sa inyong lugar at magdala ng at least 2 valid id’s o kaya naman ay photocopy ng inyong birth certificate.
Samantala, natuwa naman ang mga guro at estudyante sa proyektong ito ng ating lokal na pamahalaan dahil malaking tulong daw ito sa katulad nila na hindi pa masyadong nauunawaan ang bagong batas na ito na ipanatupad ng COMELEC.- Ulat ni Jessa Dizon