Nagbalik loob sa pamahalaan ang siyam na mga miyembro ng Militia ng Bayan, Bayan Muna at Communist Terrorist Groups sa Bayan ng Caranglan, noong Hunyo 19.
Kasama nilang isinuko ang labing dalawang mga armas na shotgun; dalawang US Springfield M1903 .30-caliber bolt action rifles; dalawang .38-caliber Smith and Wesson; tatlong improvised 12-gauge shotguns; isang improvised 20-gauge shotgun; dalawang .22-caliber converted Armscor Air Rifle at isang Springfield 5.56mm improvised.
Ayon kay “Ka Pader”, isa sa mga sumuko, matagal silang nabulag sa paniniwalang ang digmaan ang solusyon sa kahirapan at sa tulong ng 84th Infantry Battalion, na responsable sa kanilang pagsuko, ay napagtanto aniya nila na ang tunay na kalayaan ay matatagpuan sa pamamagitan ng pagbabalik loob sa pamahalaan.
Pinangunahan ni Major General Felimon Santos Jr, Commander ng 7ID ang pagtanggap sa mga ito at maging sa mga armas na kanilang isinuko sa isang maikling seremonya na ginanap sa Headquarters ng 84th IB sa San Jose City.
Bilang pagtanggap ay pinagkalooban ng 7ID ng dalawang pares ng tupa bawat isa ang 9 na sumuko, kasama ang bigas at mga groceries.
Sinabi ni Major General Santos na ang pamamahagi sa mga ito ng tupa ay hindi dispersal kundi bahagi lamang ng kasiyahan ng kasundaluhan sa kanilang pagbabalik loob.
Maliban dito, makatatanggap pa ng livelihood assistance ang siyam na returnees mula pa rin sa 7ID habang pinoproseso naman ang kanilang benepisyong makukuha mula sa ECLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program kung saan maaari silang makatanggap ng P65, 000 bawat isa.
Tiniyak naman ni Santos na bibigyan ng seguridad ang mga sumukong rebelde, kabilang ang kanilang mga pamilya, habang sisikapin naman umano ng mga sumuko na mahikayat ang iba pa nilang kamiyembro na sumuko na rin sa gobyerno.—Ulat ni Jovelyn Astrero