Binisita ni Nueva Ecija Governor Oyie Umali ang Brgy. Calawagan, Cabanatuan City upang personal na i-abot ang Certificate of Scholarship sa dalawampu’t siyam na high school students ng naturang lugar.
Ibinahagi ng mga magulang ng mga benepisyaryo ng scholarhip ang kanilang kalagayan sa buhay, na mataman namang pinakinggan ng Gobernador.
Kwento nila, karaniwang ikinabubuhay ng mga residente doon ang pakikipitas lamang ng kalamansi, kaya kalimitang kinakapos ang ilan sa kanila, dahilan upang hindi na masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Hindi napigilan ni Aling Melanie, ang mapaluha habang nagpapaabot ng pasasalamat kay Gov. Oyie, dahil sa tulong pinansyal at scholarship na iginawad nito sa kanyang bunsong anak para sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo.
Una rito, noong isang taon nabigyan na rin ng tulong pinansyal at scholarship ni Gov. Oyie ang apatnapu’t dalawang estudyante sa Brgy. Calawagan.
Sa kabuuan, halos isandaang estudyante na ng nasabing Brgy. ang napagkalooban ng tulong ng Gobernador na siyang ipinagpapasalamat ng maraming magulang doon.-Ulat ni MARY JOY PEREZ