Malaking hamon umano sa mga pulis na mapanumbalik ang tiwala ng mamamayan.
Ayon kay PNP Chief Marquez, dapat na lumabas ng istasyon ang mga pulis upang paglingkuran ang taumbayan.Ito ang inihayag ni Philippine National Police Chief General Ricardo Marquez sa harap ng mga pulis sa ginanap na command conference sa PNP Hostel sa kanyang pagbisita dito sa Nueva Ecija nitong nakaraang Martes.
Naniniwala si General Marquez na sa pamamagitan ng pagbaba ng mga pulis sa komunidad ay maibabalik ang nawalang tiwala ng mamamayan.
Hinihikayat din ni Marquez ang taumbayan na isumbong ang mga pulis na walang ginagawa para mabigyan ng kaukulang disiplina.
Samantala, nakatanggap ng mga bagong patrol jeep ang dalawampo at pitong bayan ng lalawigan mula sa Department of Interior and Local Government.
Nagkakahalaga ng eight hundred sixty thousand pesos ang kada jeep na inaasahang gagamiting pampatrolya ng mga pulis sa bawat bayan na nabiyayaan.
Nabigyan din ng mga bagong baril ang labing-isang Police Officer 1 PNP Personnel ng lalawigan na ipinamahagi nina PNP Chief General Marquez at Nueva Ecija Provincial Police Director Manuel Cornel. -ulat ni Clariza de Guzman.