Sa pagbubukas ng San Pablo National High School, marami ang labis na natuwa dahil kung dati ay kinakailangan pang bumiyahe ng mga estudyante ng isa hanggang dalawang oras papunta sa bayan upang pumasok, ngayon ay lima-hanggang kinse minutos na lamang.
Humigit kumulang 500 estudyante ang makakapag-aral sa nasabing eskwelahan na may anim na silid aralan.
Samantala, mahigit dalawandaang bisikleta naman ang ipagkakaloob ni Mayor Santy sa ilang estudyante na may pinakamalayong bahay mula sa eskwelahan.
Si nanay Annie Alparo, residente ng Brgy. Magsalisi Jaen, sa pamimitas ng kalamansi at talong itinataguyod ang kanyang siyam na anak. Hindi daw madaling kitain ngayon ang pera at hindi rin madaling bumuhay ng isang pamilya, lalo na nga’t mag-isa na lamang siya sa pagahahanap-buhay dahil apat na taon na mula nang siya ay mabiyuda.
Ngayong pasukan, labis ang pag-aalala ni nanay Annie, hindi niya kasi malaman kung paano na naman niya maibibigay ang pangangailangan ng kanyang mga anak na nag-aaral partikular ang baon nito sa araw-araw. Pang-pito sa siyam na anak ni nanay Annie si Analyn, grade seven na ang dalagita ngayong pasukan.
Aniya, kitang-kita niya ang hirap ng kanyang nanay sa pagpapaaral sa kanilang magkakapatid. At gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral upang matulungan ang kanyang ina.
Ang bawat bata ay may kanya-kanyang gustong marating, at ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang sandata nila tungo sa kanilang mga pangarap.