Aminado ang ilan sa mga public secondary schools sa bayan ng Zaragoza na problema pa rin sa kanilang mga paaralan ang kakulangan sa aklat at silya sa pagbubukas ng taong panuruan ngayong Hunyo.
Dumami na rin kasi ang bilang ng mga estudyante na nag-enroll at pumasok sa kanilang paaralan dahil sinimulan na ngayong taon ang implementasyon ng Grade 9 sa lahat ng mga public schools sa ilalim ng K to 12 curriculum ng Department of Education. Isa ang Zaragoza National High School (ZNHS) sa mga naturang problemadong public schools.
Sa panayam ng TV48 kay Norberto Calma, principal ng ZNHS, tinukoy nito ang mga suliraning kinakaharap ng kanilang paaralan sa kasalukuyan.
Ngunit sa kabila ng mga suliraning ito, sinabi ni Calma na mas handa sila ngayong harapin ang mga problema sa paaralan dahil na rin sa mga naging karanasan nila noong nakaraang taon.
Katulad noong nakaraang taon, pansamantalang solusyon pa rin sa ZNHS ang monoblock chairs upang mapunan ang kakulangan sa silya. Bukod pa rito ay patuloy pa rin ang kanilang pagkukumpuni sa mga sirang upuan.
Nag-rerequest na rin daw ang pamunuan ng kanilang paaralan sa deped upang makahingi ng kulang pang mga aklat para sa lahat ng mga estudyante nila.
Ngunit habang hinihintay pa ang mga aklat na ito, bukod sa mga ibinigay nang teacher’s manual ay nagsesearch na rin ang mga guro sa internet upang mas maintindihan umano ng mga estudyante ang kanilang mga aralin.
Masaya namang ibinalita ni calma na wala silang problema sa silid-aralan dahil supisyente umano ang mga ipinagagawa nilang bagong classrooms hanggang sa darating pang mga senior high schools.
Samantala, pinapairal na rin umano ng ZNHS ang ilang mga panuntunan ukol sa child protection policy at anti-bullying policy upang maiwasan naman ang pagkapahiya, away, at kaguluhan sa loob ng kanilang paaralan.