Makinis, patag at sementado na ang dinaraanan ngayon ng mga mamamayan ng Talavera at Muñoz, sa ipinagawang halos dalawang kilometrong sementadong daan sa pagitan ng Barangay Matingkis-Talavera at Barangay Matingkis-Muñoz na proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.

Pinangunahan nila Mayor Nestor Alvarez, Vice Mayor Tekila Alvarez AT Kapitan Carlito Cancho ng Barangay Matingkis-Muñoz ang ribbon cutting ng Matingkis-Talavera-Muñoz road.
Ayon kay Kapitan Carlito Cancho ng Barangay Matingkis-Muñoz, masiyado umanong lubak-lubak at maputik ang kalsada sa tuwing pumupunta sila sa bayan upang magbenta ng kanilang mga produktong gulay at palay.
Para naman kay Kapitan Jerry Margate ng Barangay Matingkis-Talavera, tila pangarap lamang noon ang kagustuhan nilang magkaroon ng maayos at matibay na daan para sa kanilang Barangay.
Bukod sa dalawang Barangay higit na makikinabang din sa naturang proyekto ang mga Barangay ng Bakal III, Catalanacan, Palusapis, Calabalabaan, San anton, Curva at Naglabrahan.
Mahigit sa P19 M ang inilaang pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa katuparan ng proyekto.
Ayon naman kay Enrique Lazaro Motorpool Supervisor ng Muñoz, ilang pung taon nang nakabinbin ang proyekto pero ngayon lamang naisakatuparan ang matagal na nilang kahilingan.
Lubos din ang pasasalamat ng Pangalawang Punong Lungsod Tekila Alvarez at Punong Lungsod Mayor Nestor Alvarez sa walang sawang pagtulong sa kanilang mga nasasakupan.-Ulat ni Danira Gabriel