Opisyal ng sinimulan ang Ika-limang Howitzer Challenge ng AAR o Army Artillery Regiment ng Philippine Army.

Ang Howitzer Challenge ay taon-taong isinisagawa, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo, na tumatagal ng dalawang linggo.

Ayon kay Major Rosa Maria Cristina Manuel, Spokesperson ng Artillery Regiment, layunin nito na ihanda ang mga Artilyero sa panahon ng kalamidad at hasain sa paggamit ng kanyon.

Kinabilangan ito ng siyam na grupo, na nagmula pa sa iba’t-ibang batalyon sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sasabak ang bawat koponan sa dalawang kompetisyon ang Disaster Rescue and Retrieval Operations katulad ng Swimming at Rubber boat handling bilang paghahanda sa panahon ng kalamidad. At ang Howitzer Challenge kung saan susuriin ang kakayahan ng bawat grupo sa paggamit ng kanilang armas bilang manganganyon.

Kumpiyansa si First Lieutenant Aubrey Gail Mandul, nag-iisang babae sa kompetisyon, na kakayanin niyang pantayan ang lakas ng mga kalalakihan.

Binigyang papuri ni Brigadire General Paolo Leo Miciano, ang Commander ng Army Reserve Command, sa malaking papel na ginagampanan ng mga Artilyero sa hukbong sandatahan.

Samantala, inanunsyo ni Brigadier General Leandro Loyao III, ang Regiment Commander ng AAR na ang resulta ng kompetisyon ay makakatulong sa pagbibigay ng insentibo sa mga kalahok para sa pagtaas ng kanilang ranggo.

Inaasahang matatapos ang kompetisyon sa June 16.- ULAT NI DANIRA GABRIEL

[youtube=http://youtu.be/mDTk3lBuh1M]