Maaaring mabigyan ng pondo mula sa programang KALAHI-CIDSS o Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services ng DSWD o Department of Social Welfare and Development, ang tatlong bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija para sa mga proyekto ng bawat barangay nito.

Kabilang sa 4th Class Municipality ng Nueva Ecija ang mga Bayan ng Talugtog, General Natividad at Quezon na napiling benepisyaryo ng DSWD upang mabigyan ng pondong maaari nilang magamit sa pagpapagawa ng mga proyekto ng bawat barangay na kanilang nasasakupan.

Ayon kay Regional Program Coordinator Melanie Barnachea ng KALAHI-CIDSS, sampung taon ng iniimplementa ang programa at ngayong taon lamang ito inilunsad sa Region III partikular sa Lalawigan.

Nagsagawa kamakailan ang nasabing ahensya ng Municipal Inter-Barangay Forum Project Resource Allocation na dinaluhan ng 28 barangay na bumubuo sa Bayan ng Talugtog.

Dito ay isa-isang inilahad ng bawat barangay ang kanilang mga proposed project, na ang iba ay dinaan sa patula ang kanilang presentasyon habang ang ilan ay dinaan naman sa pagguhit at pagsasadula.

Kada matatapos na barangay ay mamarkahan mula 1 hanggang 100 ng iba pang mga kalahok na barangay, at ihuhulog ito sa ballot box, ang proposed project ng barangay na may pinakamataas na marka ay ang magiging prayoridad na mabigyan ng pondo.

Ayon kay MSWDO o Municipal Social Welfare and Development Officer Francis Jean Ramos ng Talugtog, mismong mga barangay din ng mga bayan ang boboto para pumili ng proyektong ipaprayoridad, upang maging patas ang pagpili sa mga ito.

Nagkakahalaga ng 8.5 million pesos ang pondong handang ibigay ng DSWD para sa mapipiling proyekto ng barangay, at may counterpart naman na 400, 000 pesos, ang Local Government Unit ng Talugtog.

Itinuturing umano na pinaka-kritikal na pinagdaraanan ng programa ang nasabing forum, ayon kay Regional Program Coordinator Barnachea, sapagkat magkakaroon aniya dito ng prioritization.

Paliwanag ni Barnachea, hindi man lahat ng proyekto ay kanilang matutugunan o mapopondohan sa unang yugto ng programa ay maaari pa rin silang mabigyan ng pagkakataon sa susunod pang tatlong cycle na may panibagong budget.

Prayoridad ng programa ang mga proyektong Environmental Friendly, may partisipasyon ng mga kababaihan, kapakipakinabang sa mas malaking bilang ng mga residente ng barangay, at may sustainability mula sa barangay.

Ilan sa mga pangunahing proyektong hiniling ng mga barangay ay ang water system o potable water system, solar dryer, construction ng mga kalsada, paghuhukay sa mga kanal, day care center, at classrooms para sa mga High School.- Ulat ni Shane Tolentino

[youtube=http://youtu.be/kGOVKdSaIS0]