Naiuwi muli ng Nueva Ecija High School sa ikatlong pagkakataon ang kampeonato sa Step Up 3 Inter-School Dance Competition Highschool Category ng Sports And Youth Development Services noong Marso 6 sa NE Pacific Mall, Cabanatuan City. Kasama rin sa mga nanalo ang Cabanatuan East Central School at College Of Research And Technology.

Sulit ang paghihirap ng Nueva Ecija High School Dance Troupe nang kilalanin muli ang kanilang eskwalahan bilang kampeon sa High School Division sa nasabing kompetisyon.

3 year- Grand Slam ang iginawad ng Sports and Youth Development sa grupo dahil sa tatlong taong sunud-sunod na pagkapanalo.

Naperpekto ng NEHS ang kanilang routine at hindi nakapagtala ng pagkakamali na naging daan upang makakuha ang pinakamataas na puntos na 94.06 percent mula sa limang hurado.

Bunga ng panalo, naibulsa ng NEHS ang premyong Php 35, 000, trophy at certificate.

Maganda rin ang ipinamalas ng Camp Tinio National Highschool sa kanilang emosyonal na interpretasyon sa Fallen 44 na nakamit ang ikalawang pwesto.

Habang nasa ikatlong pwesto ang Mayapyap National High School na ipinakita rin ang bangis sa dance floor.

Mula sa Elementary Division, ang paghataw ng mga bulilit mula sa Cabanatuan East Central School ang nakakuha ng pinakamataas na puntos na 85 percent.

Pumangalawa sa puntos ng mga hurado ang Mayapyap Elementary School at ikatlo ang Lazaro Francisco Elementary School.

Samantala, tinalo naman ng College of Research and Technology ang Wesleyan University Philippines, defending champion noong Step-up 2 at Dr. Gloria D. Lacson Foundation Colleges sa puntos na 89.06 percent.

Ayon kay Johann Ocampo, Project Director ng Sports and Youth Development Services, marami ang natuwa dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginanap ang patimpalak sa loob ng mall.

 

 

Dagdag pa ni Ginoong Ocampo na marami ang dapat abangan sa susunod na Step Up 4 at ipinangako na mas aagahan ang paghahatid ng impormasyon upang mas dumami pa ang mga eskewelahang lumahok.

Ang Nueva Ecija Inter-School Dance Competition Step-up 3 ay handog ng pamahalaang panlalawigan sa pamamahala nina Governor Oyie Umali, Congresswoman Cherry Umali at Former Board Member Doc Anthony Umali.- Ulat ni Shane Tolentino