Ipinasisiguro ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang kasapatan ng pondo para sa pagpapatupad ng ordinansa na naglalayon na mabigyan ng libreng access sa sinehan ang mga Senior Citizen at Persons With Disability (PWD’s) ng lungsod.

Base sa committee report ng Commiittee on Social Welfare, Women and Family ay sasagutin ng City Government ang 50% sa 80% ng bayad sa bawat isang benepisyaryo.

Ayon sa Bise Alkalde, madaling aprubahan ang panukala ngunit kailangang siguraduhin at magkaroon ng dokumento ang Sanggunian Panlungsod na sapat at may malinaw na pagkukuhanan ng pondo.

Sa kasalukuyan umano ay humigit kumulang sa labing lima hanggang dalawampung libong Senior Citizens at tatlong libong PWDs ang naninirahan sa lungsod.

Paliwanag ni Umali, kailangan aniya ikonsidera na kada buwan ay nadaragdagan ang bilang ng mga Senior Citizens at PWDs. Ang tanong ng Bise Alkalde, handa ba ang Pamahalaang Lungsod sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng benipisyo nito?

Paglilinaw ni Umali, hindi ito pagtutol kundi ninanais lamang niya na matiyak na kapag naipatupad ang ordinansa ay habang buhay na itong mapapakinabangan ng mga Cabanatueño.

Sa ilalim ng panukala, maaaring makapanuod ng sine ang mga Senior Citizens at PWDs sa mga piling sinehan, tuwing araw ng martes. –Ulat ni Danira Gabriel