Namataan ang ilang Barangay Officials sa ibat – ibang polling precinct sa Cabanatuan City noong mismong araw ng midterm election 2019.

Sa pag – iikot ng Balitang Unang Sigaw, kabilang ang mga Brgy. ng Caalibangbangan at Kalikid Sur sa mga nakitaan na ang mga opisyal ng barangay ay nag – aassist o tumutulong sa mga botante sa mga eskwelahan.

Ginamit din ng ilang opisyal ang mismong brgy hall ng Kalikid Sur para hanapin sa master list ang pangalan at presinto ng mga botante.

Isang barangay opisyal naman ang halos mag – iisang oras na nagbabantay sa eskwelahan ng Bagong Sikat.

Nang mapansin nitong kinukuhanan sya ng video camera ay saka lamang ito umalis.

Naglipana naman ang mga poll watchers na nakasuot ng PDP LABAN sa barangay ng Obrero, Kalikid Sur, Bakod Bayan, Calawagan, Camp Tinio, FA Reyes Elementary School, Imelda Integrated Elementary School, Macatbong at iba pang barangay sa nasabing Lungsod.

Matapos na i-report sa DESO o Department of Education Supervisor Official ay pinagpalit ng mga damit ang mga watchers.

Nakuhanan din ng Team ng Balitang Unang Sigaw ang brgy. Vehicles sa Barangay Bangad na hindi dapat ginagamit dahil bawal ang mga sasakyan ng gobyerno na lumapit sa mga polling precinct o nakapasok sa loob ng mga paaralan.

Ang mga nasaksihang ipinagbabawal na gawain sa araw ng eleksyon ay iniulat ng mga abogado ng Partido Unang Sigaw sa mga nakatalagang DESO at binigyan ng mga kaukulang aksyon.

Sa kabila nito ay wala namang kaguluhang naganap kaya sa huli ay idineklara ng Provincial Commission on Elections na sa kabuuan ay itinuturing na naging payapa at matiwasay ang araw ng halalan 2019. -JOICE VIGILIA/ JOVELYN ASTRERO