Hindi pa man din humuhupa ang alingawngaw ng kilos-protesta at kontobersya tungkol sa baratilyong nagsilbing perhuwisyo dahil sa pagkakalugar nito sa gitna ng pamilihang bayan, heto’t isang malaking pamilihan naman ang nasa gitna ng protesta ng mga Cabanatueno.
Ang isyu: ang panggagalingan ng halos 89-milyon pisong pondo (capital expenditure o CAPEX) para sa pagpapatayo ng CELCOR substation na magpapatakbo sa pangangailangang kuryente ng itinatayong SM Cabanatuan.
Ang problema: Sa halip na CELCOR ang dapat managot sa gastos ng pagpapatayo ng dalawang sites dahil sila rin naman ang makikinabang sa sisingiling kuryente ng naturang mall, mukhang ang kaban ng bayan ng mga Cabanatueno ang pagkukuhanan ng pagtustos dito!
Sa pamamagitan ng ERC Case no. 2014-148 ERC Application for Approval of Additional Capital Expenditure (CAPEX), ito ang pangunahing usapin sa ginanap na public hearing nitong Miyerkules, Nobyembre 19, sa University Hostel ng NEUST Sumacab Este, Cabanatuan. Itinalakay dito ang pagkukuhanan ng pondo ng CELCOR subsite na magpapa-andar sa pangangailangang kuryente ng SM Cabanatuan.
Ang sagot ng taumbayan: kilos-protesta at pagdinig sa mga hinaing nila tungkol sa naaambang pag-ako ng halos 89-milyon pisong gastusin sa pagpapagawa ng naturang CELCOR substation.
Ang tanong ng taumbayan sa pangunguna ng Cabanatuan City Consumers’ Association: Sino sa CELCOR na may koneksyon din sa pamahalaan ang may maitim na balak na ilipat ang halos 89-milyong halagang responsibilidad na ito bilang dagdag-pasanin ng taumbayan? Nagmistulang gatasan na ba ng CELCOR ang kaban ng bayan? Bakit tila hinahayaan ito ng pamahalaan ng Cabanatuan? Iisa na lamang ba ang CELCOR at ang city hall ng Cabanatuan?
Ikaw, Cabanatueno, payag ka bang ikaw ang magbayad ng halos 89-milyong gugugulin sa pagpapatayo ng CELCOR subsite para lamang maitayo ang SM Cabanatuan?